Abante Tonite Interactive

Mga dumalo sa DOF seminar ginutom

192

Labis ang pagkadismaya ng ilang mga participant sa seminar na inisponsoran ng Department of Finance (DOF) sa Tagaytay City kamakailan.

Inimbitahan kasi ng DOF ang ilang Senate reporter sa isang seminar tungkol sa pagbubuwis. Pabor naman ito sa mga reporter para malinawan sila nang husto tungkol dito lalo na’t gumagawa sila ng balita sa panahon ng budget deliberation.

Excited ang mga participant kasi whole day ang lecture na dinaluhan mismo ng mga top official ng DOF kagaya ni Usec Karl Kendric Chua at Assistant Secretary Tony Lambino.

Habang nasa biyahe, pabida agad ang mga bagitong staff ng DOF sa mga participant na kesyo may heavy breakfast daw pagdating sa isang hotel kung saan gagawin ang seminar.

Subalit pagdating sa venue ng seminar, ang inaasahang heavy breakfast ng mga reporter ay na­ging isang bowl ng congee o lugaw na lang na may toppings na half na slice ng egg at isang piraso ng tuwalya.

Pagkatapos ng ‘heavy’ raw na breakfast, sa halip na mag-check in muna sa kanilang mga room ang mga participant, aba’y pinadiretso na agad ng mga organizer sa venue ng seminar bitbit ang kanilang mga luggage.

Wala namang choice ang mga participant kundi sumunod. Pero himutok ng ilan, mas mainam sanang pinag-check in muna sila bago sumabak sa maghapong seminar.

Ang napansin pa ng mga participant, napaka-dry ng mga staff ng DOF na para bang utang na loob ng mga reporter na dumalo sila sa lecture na iyon kaya’t kailangan nilang sumunod sa kung ano ang gusto ng mga organizer.

Heto na. Dahil tungkol sa numero ang taxation, sumakit ang ulo ng mga participant hindi dahil sa mahirap intindihin kundi dahil sumailalim pa sila sa pagsusulit at piniga ang utak ng mga ito sa problem solving bagay na hindi naman nila kailangan sa paggawa ng news story o balita.

Ang masaklap, piga na nga ang utak nila, ginutom pa sila sa naturang seminar. Kasi ba naman gusto ng mga staff ng DOF na gawing 8PM ang kanilang dinner kahit na natapos ang seminar ng 6PM.

Sa sobrang inip ng mga participant, binoykot na lang nila ang dinner at naghanap na lang ng restaurant kung saan sila naghapunan. Sus ginoo!
Kaya Usec Chua at Asec Labino, next time po huwag naman ganyan ang pag-asikaso n’yo sa mga iniimbitahan sa inyong workshop/seminar dahil baka sa susunod, hindi na po kayo daluhan ng inyong mga iniimbitahan.