Abante Tonite Interactive

Mga empleyado ng TIEZA nganga sa suweldo

By
200

Nanawagan kahapon ang mga empleyado ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na imbestigahan ang isang mataas na opisyal ng ahensya na umiipit diumano sa mga dokumento ng ahensya para hindi sila makasahod.

Bukod sa kanilang mga suweldo na ilang buwan nang hindi naibibigay, pati umano ang ilang bayarin ng ahensya ay nakabitin at namemeligrong mapahiya ang buong kagawaran pag hindi nabayaran ang mga ito.

Ayon sa mga empleyado ng TIEZA, sinasadya umano ng mataas na opisyal ng Department of Tourism (DOT) na hindi pirmahan ang mga dokumento upang maipalabas ang kanilang sahod pati na ang iba pang bayarin ng kagawaran.

Naalarma sila dahil magugutom ang kanilang pamilya sa oras na hindi pa maaksyunan ang kanilang kalagayan.

Napag-alaman na marami umanong “palusot” ang mataas na opisyal ng DOT kaya’t hindi nito pinipirmahan ang mga dokumento.

Naniniwala naman ang mga empleyado gayundin ang mga kontratista sa ahensya na hindi alam ni Puyat ang umano’y panggigipit sa kanila ng mataas na opisyal.

Nakahanda rin umano ang mga empleyado na makipagdayalogo sa kalihim upang personal nitong marinig ang kanilang mga hinaing laban sa opisyal.