Abante Tonite Interactive

Mga engkanto, elemento ng Taal lumikas din!

431

Mga ka-Misteryo, hindi lang tao maging mga engkanto o ele­mento sa kapaligiran ng Taal ay lumikas din sa banta ng mas malakas na pagsabog ng bulkan.

‘Yan ang ating paksa nga­yon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Mismong si Roman ng Maynila ay nagsabi sa #Misteryo nang makita niya sa kanyang astral travel ang paglikas ng mga elemento sa paligid ng Bulkang-Taal maging ang mga engkanto ng lawa mula sa kailaliman nito.

Mahirap paniwalaan pero ito ay patunay na hindi lang mga tao, hayop at mga ari-arian sa pisikal na dimensyon ang apektado ng pagputok ng Bulkang Taal ma­ging ang mga nilalang sa kabilang dimensyon.

Misteryo: “Ano ba ang nakita mo habang naka-astral ka Roman? Anong klase ng mga elemento o engkanto ang nakita mong nagsilikas?”

Roman: “Iba’t ibang klase ng mga elemento ang nakita ko, malaki’t maliit, iba’t ibang hitsura at kulay pati mga engkantong itim ay napilitan ding lumikas.”

Misteryo: “Indikasyon ba ito na sasabog na talaga ang bulkan? Ano pa mga nakita mo?

Roman: “Ok ganito. Nakita ko rin ang ilalim ng bulkan, patuloy ngang naiipon ang mga bato at likidong apoy sa ilalim pataas. Ito marahil ang sinasabi nilang magma na umaangat pataas. Tapos para akong nasasakal sa ila­lim, sumisikip ang mundo ng mga engkanto sa ilalim. Para kasing malaking kaharian ang kapaligiran at kailaliman ng Bulkang Taal.”

Misteryo: “‘Yun bang mga lumikas ay naglakad lang o meron ding sasakyan? Saan naman sila patungo sa kanilang paglikas?”

Roman: “May mga nakikita akong mga kakaibang sa­sakyan na ginamit nila sa paglilikas at puwede ‘yun sa tubig at lupa. Kung saan sila patungo, ‘yun ang hindi ko masabi marahil lilipat sila sa ibang bundok tulad ng Makiling o Banahaw na pinakamalapit sa Taal.”

Mukhang nagbabadya ngang pumutok ng mas malakas ang Bulkang Taal na sinasabing ito na ang malakas na major eruption kung kaya’t pati mga nilalang sa kabilang dimensyon ay nagsilikas. Ipanalangin natin sa Diyos na huwag hayaan na matuloy ang malakas na pagputok at humupa na lamang ang Bulkang Taal.

Para sa inyong mga kuwentong karanasan ng kababalaghan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at abante.com.ph.#