Abante Tonite Interactive

Mga epalitikong papogi sa panahon ng graduation

By
329

Naging sentro ng negatibong reaksiyon sa social media ang Facebook post ng isang taga-Malabon dahil sa paggamit ng ilang maepal na politiko ng pagkakataon sa panahon ng graduation ng mga estud­yante para magpapogi o kaya naman ay magparamdam para sa kanilang interes sa darating na eleksiyon.

Hindi maitago ng netizen ang matin­ding pagkadismaya sa mga award na nakuha ng kanyang mga pamangkin dahil mas malaki pa ang mukha ng magkamag-anak na politiko sa ipinamigay na mga certificate sa awarding ceremony.

Nakakawalang-gana nga naman na ipaskil o i-display sa bahay ang mga award na pinaghirapan ng buong school year kung ang nakabalandra naman ay mukha ng mga politikong epal!

Ang laki ng mukha ng mga epalitiko at ang liit ng pangalan ng estudyanteng binigyan ng award. Aba’y pangit nga! Oo pangit ang mga pagmumukha nila.

Sana naman, hindi pinayagan ng Department of Education, o ng mismong principal ang mga ganitong gawi dahil parang lumilitaw na ang mga politikong epal ang gumastos sa mga award.

Sa pagkakaalam ko, may pondo ang DepEd para dito kaya hindi dapat magpagamit at magmumukhang sipsip ang mga paaralan sa mga politikong nagdo-donate ng mga award.

Huwag hayaang magamit ng mga politiko ang panahon ng pagtatapos ng mga estudyante para lamang magpakilala at magamit sa kanilang political interest.

Hindi lamang sa Malabon mayroong ganito, nangyari na rin ito noong nakalipas na mga taon sa ilang lungsod sa Metro Manila, pero mas talamak sa mga probinsya na halos sambahin ang mga politikong epal.

Parang napakala­king karangalan pa nga kung galing kay politikong epal ang award ng nagtapos na estudyante, tatanawin pang malaking utang na loob at ipagmama­laki pa sa mga kamag-anak.

Mas nakakawalang-ganang makinig kung ang politiko ang guest of honor sa graduation rites dahil ibibida at magbubuhat ng bangko ito sa mga estudyanteng bubot pa ang kaisipan para intindihin ang pamumulitika.

Ang pagiging politiko ay kakabit ng serbisyo publiko kaya dapat hangga’t maaari ay huwag magpabida sa mga batang nagsipagtapos sa elementarya at high school dahil hindi pa nila ganap na naiintindihan at napapahalagahan ang pagpapalapad ng papel ng mga ito.

At sa mga taga-DepEd, huwag naman hayaang ma-exploit ng mga politiko ang panahon ng pagtatapos ng mga estudyante, bagkus ay gawin kung ano ang nararapat para sa mga ito.