Abante Tonite Interactive

Mga estudyante sa Quezon City pinarusahan sa pagkain

By
387

Parang hindi ginamitan ng tamang pag-iisip at walang sentido kumon ang nagba­langkas ng Implemen­ting Rules and Regulations (IRR) sa ordinansang nagbabawal ng napakaraming pagkain sa mga eskuwelahan sa Quezon City.

Parang wala nang maititinda ang mga school canteen sa dami ng listahan ng pagkain na ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan.

Tama lang na ipagbawal sa mga estudyante ang tsi­tsirya o junk food at kahalintulad nito na pagkain, mga soft drinks at iba pang inumin na sobra ang asukal.

Pero pinag-isipan bang mabuti ang pagbabawal sa pagkain tulad ng banana cue, camote cue, burger, hotdog chicken nuggets, tapa, tocino, corned beef at ma­ging sports drink?

Kung bawal sa mga school canteen ang mga pagkaing ito ay dapat ipasara ng QC city hall ang mga sangay ng Jollibee, Chowking, McDonalds at iba pang fast food chain na nagtitinda ng mga bawal ng pagkain sa listahan ng city hall.

Maaaring masama sa kalusugan ng tao ang mga processed food pero kung ito ay sosobra lang naman ang pagkain subalit kung katamtaman ay wala na lang masamang epekto sa kalusugan.

Kung totohanan ang implementasyon ng QC city hall sa ordinansa ay tiyakin nila na maipapasara o pagbabawalan din ang mga sikat na fast food chain na naghahanda ng mga pagkain tulad ng tocino, tapa, hotdog, burger at French fries at iba pang kahalintulad na pagkain.

Upang wala nang pagtatalo sa usa­ping ito, magbigay na lang nang libreng pagkain ang Quezon City go­vernment dahil may malaking pondo naman ito at kayang-kaya na gastusan ang lahat ng estudyante.

Walang magre­reklamo ng magulang at estudyante sa napakaraming bawal na listahan ng pagkain at mas makakatiyak ang lokal na pamahalaan na masustansiya ang kakainin ng mga estudyante dahil sila na ang libreng magbibigay nito.

Imbes na pagkagastusan ng QC government ang mga pagbabago sa sidewalk na maayos pa naman at paglalagay ng sangkaterbang signage sa QC Memorial Circle na bike lane kada hakbang ay gastusin na lang ang pondo sa libreng pagpapakain sa mga estudyante.