Abante Tonite Interactive

Mga estudyante sa Taal danger zone puwedeng lumipat

302

Inatasan ng Department of Education (DepEd) lahat ng paaralan sa mga lugar na apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal na tanggapin ang mga nag-evacuate na mag-aaral kahit hindi kumpleto ang kanilang transfer credential.

Nakasaad ito sa Memorandum 003 series of 2020 ni Education Secretary Leo­nor Briones kung saan binanggit ang mga kaukulang hakbang na dapat ipatupad kaugnay ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Nagtungo si Briones sa Batangas City noong Biyernes para sa coordination mee­ting at kanyang nabatid na nasa 78 mga paaralan ang apektado dahil nasa loob ang mga ito ng 14 kilometer danger zone.

Umaabot naman sa kabuuang 30,814 na mga mag-aaral sa pampublikong eskuwelahan ang apektado ng pagsabog.

Ipinahayag naman ni DepEd 4-A (Calabarzon) Director Wilfredo Cabral na hindi na kailangan pang opisyal na mag-transfer pa ng eskuwelahan ang mga mag-aaral na sinalanta ng Bulkang Taal.

“Kung sila ay papapasukin sa nearby schools, bibigyan natin sila ng grading. Bibigyan natin ng instructions ang teachers kung saan kailangan, not necessarily ililipat na kaagad ang kanilang enrolment sa admitting school,” paliwanag ni Cabral sa naturang pulong.

Nasa pagpapasya na aniya ng isang estud­yante kung nais talaga nitong lumipat ng eskuwelahan.

“In the meantime, all credentials are waived. [The] students should be admitted,” ani Cabral.

Samantala, sinabi naman ni Education Undersecretary Alain Pascua na mag-report sa kanilang division office ang mga school personnel na nasa loob ng Taal danger zone para mailipat muna sa mga karatig paaralan.

Nabatid na nasa 1,055 personnel mula sa 78 pampublikong eskuwelahan ang sakop ng danger zone.

Ganito rin aniya ang polisiya sa 13 pribadong eskuwelahan na sakop ng danger zone.

Ginawa umano nila ito noong Marawi crisis kung saan tinanggap sa mga eskuwelahan ang mga mag-aaral kahit na walang credential dahil sa nagaganap na giyera sa nasabing lungsod. (PNA)