Abante Tonite Interactive

Mga ET at kakaibang nilalang, totoo ba?

MISTERYO

564

Mga ka-Misteryo heto na naman tayo sa paborito niyong pagtalakay sa mga paksang paranornal.

Marami pala sa kabataan ngayon ang binabagabag ng mga tanong kung totoo bang merong mga anghel, ekstra-terestriyal, elemental o engkanto at iba pang kakaibang nilalang na hindi basta-basta nakikita ng mata.

Ilang beses ko na ring ipinaliwanag sa mga kolum ko maging sa aking radio program noon na ‘Misteryo sa DZRH’ ang tungkol dito at ang lagi kong sagot ay depende ‘yan sa mga taong nagkaroon ng direktang karanasan o ugnayan sa naturang mga nilalang.

Nagtanong sa akin si Rod Hagen Macabuag ng Batangas State University kung totoo bang may Ekstra-Terestriyal o ET?

Humahanga ako sa kabataan ngayon na nagtatanong ng ganitong paksa lalo na at hindi ito normal na napag-uusapan maliban na lamang kung bukas ang isipan ng mga kakuwentuhan sa eskuwelahan o maging sa tahanan.

Kung ang magiging batayan natin ay ang mga ‘close encounter’ ng mga taong nagsabing nakaugnayan ang mga ET ay totoong andyan nga sila, Hindi lang basta nakikita dahil hindi sila pisikal na nilalang.

Minsan ko na rin naikuwento sa panayam sa akin ng GMA News TV noong 2012 nang makita ko ang tatlong ET sa kabilang dimensiyon habang ako ay nasa Out Of Body Experience (OBE) sa Pasay. Ito ay sinundan pa ng isa pang pakikipagkita sa matangkad na babaeng ET sa Malabon at UFO sightings sa Caliraya, Quezon at Caloocan. Karaniwan silang nakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng isip o telepathy.

Tanong naman ng isa pang estudyante si Claire Gemparo ng Batangas State University “Kung totoo ba ang mga mermaid o sirena?”

Ang mga sirena ay nabibilang sa mundo ng mga water elemental o engkanto sa katubigan tulad ng mga merman o syokoy na madalas lang na kuwento ng ating mga ninuno. Ngunit batay sa karanasan ng aking ‘Lola Ylang’ sa La Union na laging iniimbitahan ng mga sirena ay totoong andyan nga sila.

Baka meron po kayong ganitong mga karanasan sa mga kakaibang nilalang lalo na ang mga anghel, ET at elementals, maaari po niyong ibahagi sa akin. Salamat po.

Marami pa tayong dapat pag-usapan tungkol sa paksang ito sa mga susunod nating artikulo. Para sa inyong mga katanungan at suhestiyon, mag-email sa misteryophilnet@gmail.com. Puwede kayo mag-post sa FB page Misteryo Pilipinas o sumali sa Misteryo Paranormal Group. Bisitahin ang aking website: www.reytsibayan.com.