Abante Tonite Interactive

Mga fan level-up ngayon kesa noon

578

ROMMEL PLACENTE: Ang laki na ng kaibahan ng mga tagahanga ng mga artista ngayon kumpara noon. Kasi ang mga tagahanga ngayon, kapag may pelikula ang kanilang idolo ay nagpapa-block screening. ‘Yung exclusive na sila-sila lang ang manonood ng pelikula. Magrerenta sila ng isang sinehan.Talagang gumagastos sila para lang masuportahan ang kanilang idolo at madagdagan ang kita ng pelikula nito.

May admin ngayon na tinatawag ang grupo ng mga tagahanga, na silang namumuno kung anong suporta ang ibibigay sa kanilang sinusuportahang artista. Hindi lamang block screening, kundi nag-o-organize rin sila ng birthday party. Tulad ng grupo ng mga tagahanga ni Joshua Garcia, ang Tropang Joshua. Nu’ng i-celebrate nito ang kanyang 21st birthday 2 years ago, ay binigyan siya ng mga ito ng bonggang-bonggang party na ginanap sa Fernwood Garden sa Visayas Avenue. Present du’n ang buong pamilya ng aktor, ilang mga kamag-anak, non-showbiz friends at ang dating ka-love team at girlfriend na si Julia Barretto. O ‘di ba, ganoon kamahal si Joshua ng kanyang mga tagahanga?

At hindi lang siya, kundi ang ibang mga artista ay nakararanas din ng ganoong pagmamahal. Ganyan ang pinapakitang suporta ng mga fan ngayon.

MILDRED A. BACUD: Tama ka ka-Cuatros na Rommel, karamihan na ng mga faney ngayon ay hindi basta-basta. Magaganda ang mga trabaho nila at mga propesyonal. Sila ang malalaki ang kontribusyon pagdating sa gastusan lalo na ang mga nasa abroad, mga TFC fan, OFW. Grabe ng buhos ng pera sa iniidolo nilang artista. Sa punto talaga na sila ang magbabayad ng renta ng condo unit ng baguhang artista dahil wala pa itong pera. Bongga din kapag may event sila dahil kaya na nilang mag-invite ng press people. Kung may pagkakaiba siguro masasabi ko sa mga fan noon at ngayon ay ang tinatawag na loyalty. Parang mas loyal ang mg fans no’n. Kung kaninong artista lang ang sinusuportahan nila, du’n lang sila. Bilib nga ako na hanggang sa pagtanda nina Nora Aunor at Vilma Santos ay nariyan pa rin ang mga fan nila. Aktibo pa rin ang mga fan nina Maricel Soriano at Sharon Cuneta.

Bigla kong naalala ang mga fan ng yumaong si Isabel Granada na kahit wala na siya ay patuloy na dinadalaw at kinukumusta ang ina nito na si Mami Guapa.

RODEL FERNANDO: Dati ang fans solid. Hindi sila nag-iiba ng hinahangaan. Kung kay Nora sila, kay Nora sila. Kung kay Vilma, kay Vilma lang. Sobrang panatiko sila at minsan ay gino-glorify pa nila ang kanilang idolo. Ang awiting “Movie Fans” ni Celeste Legaspi ay nabuo dahil sa sobrang panatiko. Gagawin ang lahat ng tagahanga para sa kanilang idolo. Lalo na nu’ng panahon ni Nora Aunor na natutulog sa harap ng bahay niya ang mga fan. Pati sa harap ng mga sinehan ay natutulog din para hindi sila maunahan kapag ipinalabas na kinabukasan ang pelikula ng aktres. Totoo ang nasa linya ng kanta na Dakilang Movie Fan kasi maski buhay pag-ibig nila ay isasakripisyo para lang sa idolo. Maski magpaka-alalay, utus-utusan ay gagawin nila. Umaraw, umulan wala silang pinalalampas makita at masilayan lang ang kanilang hinahangaang artista. Ang Noranians at Vilmanians na siguro ang pinakamatindi at popular sa liga ng mga fan na sumulpot sa Philippine Showbiz. Umabot pa sila sa pisikalan para sa pagtatanggol sa dalawang higanteng artista ng movie industry. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin sila sa pagsuporta sa dalawang reyna. Ang nakaka-miss lang sa ginagawa ng mga fan dati ay ang pagsasabit ng kuwintas na sampaguita sa mga okasyon ng mga artista.

Ngayon ang mga fan suportado na rin nila sa social media ang mga idol nila. Nandiyan sila para ipagtanggol ito tuwing binibiktima ng mga basher.

RONA RONDA: Nakakatuwa at nakaka-proud ang mga fan. Talagang level-up ang effort pagdating sa mga iniidolo nila. Hanga ako sa fans club ni Alden Richards. Talagang makikita mo ang suportang ibinibigay sa kanya all the time. Nitong 28th birthday niya ay 4 na billboards na may greeting ang iniregalo sa kanya. Sabi nga ni Alden, very unusual daw ang effort ng mga fan niya. May pamisa rin sila at charity event na in-organize para sa kanilang idolo. Sa tuwing may pelikula naman si Alden ay may pa-block screening din sila.

Masasabi ko na solid ang mga fan ni Alden, may love team or wala ay suportado siya.