Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga fixer sa mga ahensya sampolan din!

0 91

Mainit ang Malacañang sa mga corrupt officials ng gobyerno at talagang pinakakasuhan at sinisibak ang mga ito pero tila ba hindi nababawasan ang mga gumagawa ng kalokohan.

Puro mga opisyal lang kasi ng mga ahensiya at departamento ang madalas tinitingnan at hindi pinapansin ang mga nasa mababang antas na mga empleyado na gumagawa rin ng raket para pagkaperahan lalo na sa mga ordinaryong transaksiyon sa mga ahensiya ng gobyerno.

Simula noon hangang ngayon ay talamak na ang raket ng mga fixer sa ilang ahensiya gaya na lamang ng Land Transportation Office (LTO) na hindi mawala-wala kahit pa palitan ang mga tauhan at mga opisyal ng ahensiya.

Pagpasok pa lamang sa compound ng ahensiya ay mayroon ng sasalubong at tatanungin kung ano ang transaksiyon nito at aalukin ng mas mabilis na proseso kapalit ng dagdag na bayad sa regular na dapat bayaran.

Mismong mga guwardiya ay rumaraket din, gaya na lamang ng karanasan ng isang abogada na tutubos ng kanyang lisensiya matapos mahuli sa overspeeding.

Ang sabi ng guwardiya mahaba ang pila at pasampu-sampu lang ang pinapapasok dahil sa social distancing at pag-iingat na rin laban sa COVID-19 kaya nag-alok kung gustong mabilisan at itatawag na lamang niya ito sa loob ng tanggapan.

Mahigit P2,000 ang tubos sa lisensiya pero ang alok sa abogada ng taong tinawagan ng guwardiya mula umano sa “loob” ay magdagdag lang ito ng P1,000 para hindi na pumila at hintayin na lamang ang kanyang lisensiya.

Pero hindi pumayag ang abogada kaya pumasok ito sa loob ng LTO. Wala pang dalawang minuto ay nakuha na niya ang kanyang lisensiya at wala ring pila.

Kakamot-kamot ang guwardiya dahil naunsiyami ang raket sa abogada.

Hindi consistent ang paghuli sa mga fixer at mga raketero at raketera ng ahensiyang binuo ng Malacañang para habulin ang mga tiwali sa gobyerno.

Isa o dalawang beses lamang yatang nakitang nambulaga sa ilang tanggapan ng LTO at may media coverage pa pero hindi na nasundan ito kaya tuloy ang ligaya ng mga linta sa mga ahensiya ng gobyerno.

Kung talagang gustong linisin ang burukrasya, simulan ito sa baba pataas para masiguradong mawalis ang lahat ng mga tiwali at hayok sa pera sa mga tanggapan ng gobyerno.

Leave A Reply

Your email address will not be published.