Abante Tonite Interactive

Mga foreign investor sunod-sunod naglayasan

826

Siyam na magkakasunod na linggo nang panay ang pagbawi ng mga foreign investor ng kanilang pera sa stock at money market ng Pilipinas.

Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nagpasok pa ng pera ang mga foreign investor sa stock at money market ng bansa noong Oktubre 2019 subalit tuloy-tuloy nang binabawi ng mga ito ang kanilang pera nang nagsimula ang Nobyembre.

Ayon sa BSP, $727.1 milyon ang binawi ng mga foreign investor sa stock at money market sa Pilipinas simula noong unang linggo ng Nobyembre hanggang sa unang linggo ng Enero 2020.

Sa unang linggo ng Enero, $51.83 milyon ang kabuuang binawi ng mga foreign investor. May pumasok man sila na $108.4 milyon, $160 milyon naman ang lumabas.

Sa buong 2019, nasa $1.9 bilyon ang binawi ng mga foreign investor na puhunan sa Pilipinas. Sa buwan ng Marso unang kapansin-pansin ang pagbawi nila ng pera dahil $739 milyon ang nawala sa bansa.

Noong Abril 2019, $298 milyon ang binawi nila at dinamihan nila uli ang kanilang binawi noong Mayo nang umabot sa $749 milyon.

Sandaling nakabawi ang merkado noong Oktubre ng umabot sa $104.5 milyon ang pumasok na puhunan sa bansa ngunit nagtuloy-tuloy na ulit ang pag­hugot ng mga foreign investor ng pera nila sa Pilipinas noong Nobyembre.

Oktubre inumpisahang panggigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Manila Water Company Inc. ng mga Ayala at ang Maynilad Water Services Inc. ng mga Consunji at ni Manny V. Pangilinan at binantaan na nito na babawian ng kontrata pagpasok ng Nobyembre.

Ang Manila Water ay nabibili sa Philippine Stock Exchange. Gayundin ang DMCI Holdings ng mga Consunji at ang Metro Pacific Investments ni Pangi­linan. Ang DMCI at Metro Pacific ay parehong may ari ng Maynilad.

Bumulusok ang presyo ng mga shares ng dalawang kompanya at hinila rin ng mga ito ang buong stock market kaya binawi na ng ibang investor ang kanilang pinuhunan kaysa madagdagan pa ang pagkalugi. (Eileen Mencias)