Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga frontliner, bayani ng Taguig sa pandemya

0 533

Maligayang Araw ng mga Bayani! Ginugunita natin ngayong araw ang mga bayani na naging bahagi ng laban ng mga Pilipino para sa hustisya at kalayaan ng ating bansa. Bukod diyan, mahalaga rin ngayon at bawat araw na pasalamatan at bigyang pugay natin ang mga frontliners na nangunguna sa paglaban natin sa mga pagsubok ng pandemya.

Isa-isa nating kilalanin ang mga frontliners ng Taguig na umpisa pa lang ng pandemya ay malaki na ang ginawang sakripisyo para harapin ang hamon ng COVID-19. Sila ang nasa likod ng matagumpay na COVID-19 response ng lungsod.

Unahin natin ang mga masisipag na Barangay Health Workers (BHWs) ng Taguig na tutok sa community-level COVID-19 response tulad ng house-to-house delivery ng maintenance medicines ng mga Taguigeños at house-to-house registration ng senior citizens para sa kanilang pagpapabakuna.

Sa lahat ng barangay health centers ng lungsod ay may mga doctors, nurses at medical personnel din na nag-aasikaso ng regular check-ups ng mga Taguigeños at nagsasagawa ng COVID-19 tests. Sila rin ang naghihikayat sa mga Taguigeños na makilahok sa mga programang pangkalusugan tulad ng breast at cervical cancer screening, pre-natal at maternal health care at family planning programs.

Pagdating sa araw-araw na contact tracing, active case finding, monitoring, daily reporting of cases at pagbuo ng containment plan, ang mga ERNIE o Emergency Response for Notifiable and Emerging Diseases teams ang mga bayani natin na walang humpay na naghahanap at tumutulong sa mga nagkakasakit.

Kasama nila ang mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) na tumutulong din sa contact tracing, monitoring at reporting. Bukod dito, ang BHERT ang tumatayong mga first responders sa medikal na pangangailangan ng non-COVID-19 cases.

Sa Taguig Pateros District Hospital (TPDH) na lokal na ospital ng Taguig, ang mga doctors, nurses at iba pang medical personnel ang humaharap mismo sa admitted COVID-19 patients. Patuloy ang suporta ng lokal na pamahalaan sa ating mga bayani sa TPDH sa pamamagitan ng pagpapaganda ng mga pasilidad at medical equipments ng ospital at maging partnerships sa pribadong sektor.

Ang specialty doctors naman ng Pediatrics, Medicine, Surgery at Obstetrics-Gynecology sa Taguig Telemedicine Hospital ang nangangasiwa sa Teleconsult para sa mga Taguigeños nang hindi na kinakailangang pumunta sa ospital o health center. Kapag kinakailangan ng physical examination ng pasyente, mayroon silang face-to-face consultation kaakibat ang striktong pagsunod sa health at safety protocols.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang masisipag na miyembro ng City Epidemiology Disease Surveillance Unit (CEDSU) ang namamahala sa disease surveillance, COVID-19 testing, contact tracing, masusing pag-aaral ng patterns ng mga sakit, naghahabol sa mga COVID-19 positive cases. Hindi lang ngayong pandemya nagtatrabaho ang mga bayani ng CEDSU. Noon pa man ay masigasig na nilang pinag-aaralan ang iba pang epidemic-prone diseases tulad ng dengue, leptospirosis, SARS at cholera upang pigilan ang pagkalat nito.

Sa sariling molecular laboratory ng lungsod, ang mga bayaning medical technologists ang nagpapabilis sa paglabas ng COVID-19 test results upang ma-isolate kaagad ang mga may sakit.

Tinuturing din nating mga bayani ang enforcement teams ng lungsod kabilang ang Taguig Safe City Task Force, Tapang Malasakit Disiplina Teams, Philippine National Police (PNP) at mga barangay tanod. Tulong-tulong sila para istriktong maipatupad ang health at safety protocols sa lungsod. Araw-araw silang umiikot sa bawat barangay at business establishments para matiyak na walang mass gatherings at paglabag sa quarantine protocols.

Ang mga trained vaccination teams at lahat ng vaccination hub personnel na dedikado para paigtingin ang agresibo, ligtas at mabilis na pagbabakuna ay pinasasalamatan din ng lungsod sa kanilang pagkabayani. Sila ang teams sa likod ng pag-doble at maging pag-triple ng COVID-19 vaccination targets ng Taguig.

Binibigyang pugay din natin ang mga bayaning private partners ng Taguig na tumutulong para madagdagan ang kapasidad ng lungsod sa referral, COVID-19 testing, diagnostics, admission at treatment ng mga positive cases. Hindi lang mga Taguigeños ang kanilang natutulungan pero pati na rin ang mga residente ng mga karatig siyudad.

Sa kanilang sakripisyo, dedikasyon sa trabaho at pagmamahal sa kapwa ay maraming buhay ang naliligtas at marami ang nagiging protektado ngayong pandemya.

Saludo ang Taguig sa lahat ng frontliners dahil walang papantay sa tapang at galing ninyo. Mabuhay at God bless! We heal as one.

Leave A Reply

Your email address will not be published.