Abante Tonite Interactive

Mga frontliner prayoridad sa mass testing

372

Uunahin ng gobyerno na isalang sa mass testing ang mga frontliner at health worker na sumasabak para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019.

Ito ang inihayag ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles matapos tiyakin na marami ng supply ng testing kits ang bansa.

Ayon sa kalihim, hindi maaaring kahit sino lang na gustong magpasuri ang isasailalim sa mass testing dahil ang prayoridad ay mga pulis, sundalo at health workers na nasa frontline simula nang ipatupad ang enhanced community quarantine.

“Frontliners po, sila ang priority natin, hindi po iyong basta basta ka lang nag-test dahil trip mo. Kailangan may reason ka for testing. And also, yung mga nag-travel at may contact sa COVID patient,” ani Nograles.

Nakiusap ang kalihim sa publiko na ipaubaya sa mas higit na nangangailangan ang COVID test para madaling matukoy ng mga eksperto kung sino yung mga dapat na tutukan at ihiwalay para sa quarantine.

Dahil pinalawig ng hanggang April 30 ang ECQ, sinabi ni Nograles na gagamitin ang pagkakataon ito para pataasin ang kapasidad ng bansa para mailarga ang mass testing.

Target aniya ng DOH na maabot ang 13,000 -20,000 test kada araw, hanggang sa pagsapit ng April 27 kaya kinakailangang i-maximize ang paggamit sa mga sub-national laboratories sa bansa.

Tonite – Wendys Inhouse Ad