Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga ganid sa gobyerno

0 192

Mainit na usapin ngayon ang isyu ng korapsiyon matapos mag-ingay si Senador Manny Pacquiao kaugnay sa aniya ay mga korapsiyon sa ilang ahensiya ng gobyerno.

Ang paglaban sa korapsiyon ang isa sa adhikain ng Duterte administration kaya naman nag-react si Pangulong Rodrigo Duterte matapos sabihin ng senador na halos triple ang korapsiyon ngayon kumpara sa nakalipas na administrasyon.

Bagamat hindi itinatanggi ng Palasyo na hindi pa rin ganap na nawawalis ang problema sa katiwalian ay tuloy-tuloy naman ang kampanya laban sa mga gumagawa ng kalokohan sa gobyerno.

Sadyang hindi ganap na nawawalis ang korapsiyon sa burukrasya dahil kahit mahigpit ang timon ay mayroon pa ring gagawa ng kalokohan dahil sa kinang ng kuwarta.

Iba ang karisma ng kuwarta sa ilang nasa gobyerno kaya naman kahit alam na posibleng malagay sa alanganin ay sumisige pa rin lalo na kung malakihan ang makakabig mula rito.

Gaya na lamang nitong isang ahensiya na kahit dalawang beses ng na-disqualify sa bidding ang isang pribadong kompanya ay pilit pa ring isinasali at gustong panalunin ng ilang nakaupong opisyal.

Sa katunayan, nagsipag-resign ang mga nasa board ng ahensiya dahil sa pagpipilit ng mga mas mataas sa kanila na ulitin ang bidding para manalo ang kanilang manok.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Takot ang mga opisyal sa nabanggit na ahensiya na ilantad o i-expose ang mga nagaganap sa bidding dahil sa pangambang maglaho sila sa mundo.

Ang mga ganitong uri ng hokus-pokus ang hindi nababantayan ng Malacañang dahil ang mga taong nakaupo sa ahensiya ay “malakas” umano sa mga matataas na opisyal.

Bukod sa nilulutong bidding, mayroon ding usapin sa bentahan umano ng lupa na kahit may nagmamay-ari na ay naibenta sa iba at ginawang quarrying site sa isang lugar sa Isabela.

Mainam na kalampagin ang tanggapan ng Department of Agrarian Reform dahil baka lang nakakalampas sa kanila ang mga ganitong aksiyon n kanilang mga opisyal at tauhan sa mga lalawigan.

Pero dahil isang pindot na lamang ngayon ang mga impormasyon, nakakarating na sa mga dapat pagsumbungan ang mga ganitong practice kung saan ang mga mahihirap ang naagawan ng lupa at ang nang-agaw ay mayaman at tila mas pinapaboran pa umano ng mga ahensiyang dapat magtuwid sa mga maling practice.

Hindi lahat ng mga Pilipino ay alam kung kanino lalapit para magsumbong, dahil kahit mayroon binuksang linya ang gobyerno na apat na numero para magsumbong at sing-bagal naman ng pagong ang aksiyon at goodluck na lang kung may positibo agad na resulta.

Ang katiwalian ay nakaugat na sa sistema ng gobyerno kaya kahit anong pilit na putulin ito ay mayroon pa ring matitira dahil ang kinang ng kuwarta ay mahirap tanggihan ng mga hayok sa pera.

Leave A Reply

Your email address will not be published.