Abante Tonite Interactive

Mga Gilas ni MVP talunan, rambulan na lang

By
5,008

Nagkagulo sa bakbakan ng Gilas Pilipinas at Australia sa Philippine Arena sa Bocaue kagabi.

Sa 4:01 mark ng third quarter at mil­ya na ang lamang ng Australians 79-48, pa-drive si RR Pogoy nang mabigwasan ng siko si Christopher Goulding na bumagsak.

Gumanti si Daniel Kickert, binigwasan din si Pogoy at nagkagulo na.

Pati sina Carl Bryan Cruz at Calvin Abueva na nasa bench, napasugod sa court.

Si NBA player Thon Maker, lumilipad ang paa ng 7-foot-1 frame na lahat ng makita ay sinusugod ng flying kick.

Si Jayson Castro, dinadamba ang mas matataas na Australians para bigwasan.

Si Andray Blatche na sumaklolo kay Pogoy, nabigyan din si Kickert.

Sa bandang huli, tumatakbong parang aso na nabahag ang buntot ni Kickert para makaiwas.

Pero si Nathan Sobey, nakorner sa likod ng basket ng Gilas at nalamog, nabato pa ng silya.

Umpisa pa lang ng window 3 match ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers ay mainit na, nagkakabalyahan. Si Goulding na instrument sa pag­lobo ng lamang ng Australians sa third, laging bumubusa ang bibig sa kata-trash talk.

Bago ang laban, mainit na ang athmos­phere dahil sa pagtanggal ng mga Australyano kahapon ng mga sticker ng PLDT sa flooring ng Philippine Arena. Ma­ging si Pangilinan mismo, nag­labas ng himutok laban sa mga Australyano sa kanilang aksiyon.

Matapos ang ejection sa players ng magkabilang panig ay itinuloy ang laban kahit tatlo na lang ang players ng Gilas. Natapos ang laban, 89-53.