Abante Tonite Interactive

Mga hatchback unit balik Grab

232

Inutusan ni Transport Secretary Arthur Tugade ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na muling pa­yagang bumiyahe ang mga hatchback na unit ng kotse at mga de­listed TNVS, ayon sa LTFRB Me­morandum Circular No. 2018-005.

Sa ilalim ng MC 2018-005, maaaring bumiyahe ang mga hatchback unit bilang public transport basta mas mababa ang singil nila at ito ay sa loob lamang ng transition period na tatlong taon.

Hanggang hindi pa nababago o napapalitan ang MC, kaila­ngan itong iimplement, ayon kay Tugade.

“Kung kailangang baguhin ang ilang dokumento, baguhin. Kung kailangang i-improve, dapat i-improve,” dagdag pa niya.

Ayon sa Department of Transportation, tanging ang mga hatchback unit na kasama sa 55,000 unit na nasa masterlist ang makikinabang sa mga benepisyo ng MC 2018-005. Ang mga unit na ito ay ang mga naghain ng aplikasyon mula March 5, 2018 hanggang December 15, 2018.

Sabi ni Transport Undersecretary for road transport and infrastructure Marck Richmund de Leon, kailangang iamenda ng LTFRB ang MC para maging permanente ang classification ng hatchback bilang mga TNVS unit at para muling maisama sa listahan ang mga TNVS unit na tinanggal sa masterlist.

“We are giving the commuters their transport options. Kung gusto niya na mas mura ang biyahe niya, mag-hatchback siya,” sabi ni De Leon.
Mahalaga ding maibalik sa listahan ang mga tinanggal.

“Dapat bigyan ng priority iyong mga natanggal sa listahan dahil ‘yan ay ‘yung mga nakapag-invest na sa serbisyo. Mag-open tayo ng additional slots pero ‘wag natin pabayaan ‘yung mga natanggal sa listahan dati,” dagdag pa ni De Leon. (Eileen Mencias)