Abante Tonite Interactive

Mga hayop na naiwan sa isla ng Taal ni-rescue

0 304

Matapos bahagyang humupa ang pagbuga ng abo ng Taal Volcano kahapon, naglakas loob na pasukin ng mga rescuer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang Volcano Island sa layong makapagsalba ng mga nalabi pang mga buhay na hayop sa isla.

Kasabay ng mga rescuer, bumisita rin sa isla ang ilang kalalakihang residente na nagnanais pang makapagsalba ng mga ari-arian na kanilang naiwan.

Subalit tumambad sa mga residente at mga rescuer ang nakakapanlumong larawan ng isla na dating tirahan ng nasa 5,000 mga residente.

Ang mga bahay ay bubungan na lang ang kita dahil sa taas ng abong tumabon sa mga ito mula sa pagputok ng Bulkang Taal.

Nagkalat ang mga katawan ng mga patay na hayop tulad ng mga baka, kabayo at kalabaw na nalibing sa makapal na abo.

Ang mga baboy ay hindi rin nakaligtas sa pagngangalit ng bulkan at namatay na rin sa mga kulungan.

Sa pag-iikot ng mga residente sa ligtas na bahagi sa mga gilid ng isla, may ilang baka at isang kabayo pa silang nakita na buhay subalit hindi rin nila ito madala dahil kinakailangan umano ng malaking bangka na mapagsasakyan.
Bukod sa paghahalaman at pangingisda, ang paghahayupan ang isa pangunahing ikinabubuhay ng mga taga isla.

Ang mga kabayo ay ginagamit na sasak­yan ng mga turista na umaakyat patungo sa crater ng bulkan.

Ayon sa isang resi­dente, hindi na nila nadala sa paglikas ang mga alagang hayop dahil sa kakapusan ng panahon.