Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga illegal recruiter talamak ngayong pandemic

0 439

Tiba-tiba ngayong pandemic ang mga illegal recruiter dahil sa dami ng naloloko online na gustong makapagtrabaho sa ibang bansa.

Isa na dito ang notorious na small time recruitment agency sa Lungsod ng Maynila na nag-aalok ng trabaho abroad at ang binibiktima ay mga bagong graduate na naghahangad makapagtrabaho agad sa ibang bansa.

Modus ng mga scammer na maglabas ng ads online partikular sa social media at ang mga hinahanap ay bagong graduates na wala pang muwang sa mga panloloko nila.

Marami ang mga tumugon sa alok na magagandang benepisyo at isa sa requirement ay kailangang sumailalim muna sa ibibigay nilang training bago makabiyahe.

Pero ang siste, mayroong training fee na hinihingi ang mga illegal recruiter mula P10,000 hanggang P20,000 na kinagat naman ng mga gustong-gustong makapag-abroad na dahil walang mapasukan na trabaho ngayon sa Pilipinas dahil sa pandemya.

Sa madali’t sabi, ipinadeposito sa isang account sa bangko ang training fee at kapag napicturan at na-screenshot ang resibo ay saka bibigyan ng training date ang mga aplikante.

Nagbigay ng address at petsa ang mga recruiter sa mga bagong aplikante kaya naman excited ang mga ito at maagang nagpunta sa ibinigay na address.

Pero gayon na lamang ang panlulumo ng mga aplikante dahil pagdating sa lugar na isang building sa May Vito Cruz/Taft ay walang opisina ng recruitment agency.

SM food to go Banner Ad

Ayon sa security guard ng building, marami na ang naloko sa modus operandi ng mga scammer at illegal recruiters dahil halos araw-araw ay may naghahanap sa pangalan ng recruitment agency na wala naman sa ibinigay na address.

Ang ibang naloko ay ipinasa-Diyos na lamang ang naging karanasan habang ang iba naman ay gustong magreklamo sa mga otoridad subalit hindi alam kung paano ang gagawin.

Kapag hinanap sa listahan ng lehitimong recruitment agency sa Philippine OVerseas Employment Administration (POEA) ang pangalan ng ahensiya ay hindi makikita dahil ang mga ito ang mga talagang manloloko at bihasa na sa kanilang mga ginagawa.

Sana lang makonsensiya ang mga scammer na ito dahil dinadagdagan ang kalbaryo ng mga inosenteng Pilipino sa gitna ng pandemya.

Hindi takot sa karma ang mga scammer na ito dahil nanuot na sa kanilang mga buto ang kasamaan at pananamantala sa kapwa kaya sana ang COVID-19 na lamang ang maningil sa mga ito.

Pero pasasaan ba at masasalubong din nila ang kanilang delubyo sa mga hindi inaasahang panahon at pagkakataon.

Tandaan nyo mga kampon ni Satanas na nag-anyong tao, kung hindi man kayo ang umani sa panloloko nyo, tiyak na ang tatamaan nito ay ang mga mahal nyo sa buhay. Mas masakit at mas matindi ang balik.

Leave A Reply

Your email address will not be published.