Abante Tonite Interactive

Mga Ilocos farmer apektado ng imported rice

0 185

Plano diumano ng ilang magsasaka sa Bacarra, Ilocos Norte na huminto na sa pagsasaka sa bukid dahil sa pagbaba ng presyo ng palay na epekto ng Rice Tariffication Law.

Ayon kay Bacarra Sangguniang Bayan Member Jonathan Sagario, nababahala na ang mga magsasaka sa kanilang bayan sa epekto ng nasabing batas na siyang

dahilan ng pagbaba ng presyo ng palay.

Sinabi ni Sagario na malaking problema sa mga magsasaka na hindi mabenta ang kanilang mga inaning palay at dahil dito, hindi na sila makakabayad sa kanilang mga utang na ginamit sa pagtatanim ng palay.

Ayon pa kay Sagario, plano ng mga magsasaka na mag-alaga na lang sila ng mga farm animal kaysa magtanim ng palay ngunit sinabi niya na hindi rin ito sapat para sa kabuhayan ng mga magsasaka.

Ipinaliwanag diumano ni Sagario na maganda rin ang Rice Tariffication Law dahil dito maipapadama ang mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka na hindi pa nakikita ng mga magsasaka sa bansa.

Dagdag pa niya sa implementasiyon ng nasabing batas na maghanap sana ang gobyerno ng mga programang puwedeng makinabang ang mga magsasaka. (Allan Bergonia)