Abante Tonite Interactive

Mga inuwing Pinoy sa Wuhan walang sintomas ng virus

233

Walang nakitang sintomas ng 2019 novel coronavirus ang mga Pilipino na iniuwi sa bansa mula sa China.

Ito ang inihayag ng mga opisyal ng gobyerno sa ginanap na Laging Handa press briefing sa Malacañang nitong Lunes.

Sinabi ni Department of Interior and Local Go­vernment (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na lahat ng 32 Pinoy na umuwi sa bansa at dinala sa New Clark City sa Capas, Tarlac ay hindi kinakitaan ng sintomas ng nCoV.

Kaya aniya sila naka-quarantine ay bilang precautionary measures lamang sakaling mayroong kinapitan ng novel coronavirus sa mga ito.

Pero sinabi ni Malaya na sakaling may maobserbahan sa mga naka-quarantine, agad na ilalagay ang mga ito sa isolation ward para sa mahigpit na monitoring.

Dahil dito, sinabi ng opisyal na walang dapat ipag-alala ang mga residente ng Capas, Tarlac dahil wala kahit isa sa mga umuwing Pinoy mula sa China ang mayroong pelig­ro ng novel coronavirus.

Sinagot din ni Malaya ang tanong ng ilang residente ng Capas kung naililipat ba ang nCoV sa pamamagitan ng la­ngaw, na aniya ay walang ebidensiyang makukuha ang virus sa pamamagitan ng langaw. (Aileen Taliping)