Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga isnaberang artista pila-balde sa network

0 1,053

Nagkakuwentuhan ang isang kilalang producer at ang isang production staff. Ang naging ikot ng kanilang usapan ay ang mga artistang walang trabaho ngayon.

Sabi ng production staff, “‘Yung mga artistang ni hindi pumapansin sa akin dati, nakapagtataka, nangungumusta sila ngayon? Alam ko naman ang dahilan. Trabaho.”

Sabi naman ng kakuwentuhan nitong prodyuser, “Lahat talaga sila, nangangailangan ng work ngayon, kaya hinahanap nila ang mga phone number ng mga taong alam nilang makapagbibigay ng trabaho sa kanila.”

May katotohanan ang kanilang kuwento, nu’ng kasagsagan ng kanilang karera ay ni hindi nga nila pinapansin ang isang network, pero ngayon ay pila-balde sila sa paghanap ng malulugaran sa nasabing network.

May mga dating nagtrabaho sa network na ‘yun na umalis, lumipat sila sa mas malaking istasyon, hindi na nga tumanaw ng utang na loob ay kung anu-ano pa ang sinasabing kapintasan ng network.

Sabi ng isang source, “Kinakain nila ngayon ang iniluwa nila. Nasaan na ang nilipatan nilang network? At saan sila nagpaparamdam ngayon para magkaroon ng trabaho?

“Maiigsi ang memorya ng mga artistang ‘yun. Akala ba nila, e, hindi nakarating sa management ng istasyon ang mga pintas nila?” saloobin ng isang impormante.

Kuwento naman ng isang kilalang manager, “Ang dami-daming nagpaparamdam sa akin ngayon. Ni hindi ko nga kilala nang personal ang mga artistang ‘yun!

“Kapag nakakasalubong ko sila dati, e, hindi naman sila namamansin, deadma lang sila, pero ngayon, nangungumusta na?

“Kundi pa sila nawalan ng work, e, hindi ko nga nila maaalala!” himutok ng kilalang manager.

Tinawagan naman ni Fermale Personality A ang kanyang kaibigang nagtatrabaho sa isang network, ang kanyang tanong, “Maluwag pa ba sa inyo? May space pa kaya para sa akin? What do you think?”

Related Posts

Simple lang ang sagot ng tinawagan, “Mag-apply ka. Mag-audition ka. Ongoing na. Ikaw kasi, nu’n pa kita sinabihang lumipat, hindi mo pa ginawa.”

Ay, ang dami-daming kuwento ngayon tungkol sa matinding pangangailangan ng mga personalidad na nawalan ng trabaho, sobrang dami.

Willie ayaw iprodyus si Kris

Alam na namin kung sino ang producer ni Kris Aquino para sana sa kanyang pagbabalik-telebisyon. Susundin namin ang pakiusap ng aming source na huwag itong pangalanan.

Kinumpirma ng aming kausap na umurong na ang prodyuser ni Kris para sa kanyang ilulunsad na sanang programa sa August 15.

“Sayang, ang ganda-ganda na sanang pagkakataon ito para kay Kris. Plantsado na sana, e, nabulilyaso pa,” komento ng aming source.

Ang lutang na lutang na dahilan ay nagkaroon ng problema sa pagitan ni Kris at ng kanyang producer. Kung saan nag-ugat ang problema ay wala namang sinumang nagsasalita mula sa Conrnerstone na namamahala ngayon sa karera ng aktres-TV host.

Basta ganu’n lang ang kuwento. Nagtaas na ng dalawang kamay ang mamumuhunan sana sa pagbabalik-TV ni Kris.

May mga nagtatanong sa amin, hindi raw kaya saluhin ni Willie Revillame ang pagpoprodyus sa programa ni Kris sa TV5, tutal naman ay magkaibigan sila?

Kung sa pinansiyal na aspeto ay kayang-kayang iprodyus ni Willie ang show ni Kris, pero hindi nito papasukin ang pagiging prodyuser, tama na kay Willie na magkaibigan na lang sila ni Tetay.

Ang unang prodyuser ni Kris sa GMA-7 ay nakaaway niya, heto na naman ang isa pa, natural lang na isipin din ni Willie na baka ang pagiging magkatrabaho nila ni Kris ang magmitsa sa kanilang paghihiwalay bilang magkaibigan.

Kaya tama nang magkaibigan na lang sila, walang sangkot na trabaho, tama nang mahal ni Willie sina Josh at Bimby.

Leave A Reply

Your email address will not be published.