Abante Tonite Interactive

Mga istraktura sa Marawi, CamSur winasak ng buhawi

149

Isang malakas na buhawi ang tumama sa Marawi City kahapon ng hapon at ilang kabahayan at istraktura ang nasira kabilang ang bubungan ng city hall sa Barangay Fort kung saan nakatayo ang Sangguniang Panglungsod.

Base sa isang panayam kay Zia Alonto-Adiong, miyembro ng Parliament Bangsamoro Transition Autho­rity, unang namataan ang kakaibang porma ng mga madidilim na ulap sa kalangitan bago mag-umpisa ang buhawi pasado alas-dos ng hapon.

Tumagal ng halos 10-minuto ang pananalasa ng buhawi sa lugar.

Sa panayam naman kay Jorome Maglahos, executive assistant ng Mayors office ng Marawi City, kasalukuyan umano siyang nagdodokumento ng meeting ni Mayor Majul Gandamra kasama ang mga department heads ng mga local government unit nang makarinig sila ng malakas na ungol ng hangin.

Kasunod noon ay hinampas na ng malalakas na hangin ang gusali at nilipad ang mga bubungan nito.

Samantala sa loob ng army headquarters, nakuhanan ni Col. Jose Maria Cuerpo, commander ng 103rd Infantry Brigade ang tumaas na tubig dulot ng buhawi kaya agad nilang siniguro ang mga bata na nakita niyang nasa labas at naglalaro. Ilang mga puno din ang nahugot ang ugat.

Kaugnay nito’y problemado rin ngayon ang ilang pamilya sa Canaman, Camarines Sur matapos na daanan at sirain ng ipo-ipo ang kanilang tahanan.

Sa initial na report ng Municipal Risk Reduction and Management Council, walong mga bahay ang nasira sa Barangay Palo sa nasabing bayan.

Kasalukuyan pang inaalam ng mga awtoridad ang halaga ng pinsalang dulot ng buhawi habang wala namang naiulat na nasawi o namatay sa pangyayari. (Edwin Balasa/Allan Bergonia)