Abante Tonite Interactive

Mga KALULUWA biglang sulpot sa kalsada

326

MISTERYO
Rey T. Sibayan

Mga ka-Misteryo, nabulaga na ba kayo sa biglang sulpot ng multo sa kalye lalu na ‘pag ang biyahe niyo ay sa gabi?
‘Yan ang ating paksa ngayon: “Kapag may Misteryo, alamin ang totoo!”
Pauwi sa Ilocos ang mag-anak ni Renante mula Maynila at naka­gawian nilang bumiyahe sa gabi dahil hindi mainit at walang traffic.
Si Renante mismo ang nagmaneho ng SUV katabi ang anak na lalaki sa passenger seat. Dahil sanay na ang mag-anak sa ingat ng pagmamaneho ni Renante ay naka­tulog sila sa biyahe mali­ban sa anak na lalaki na siyang kakuwentuhan niya habang binabaybay ang McArthur Highway.
Pagsapit nila sa ga­wing Tarlac ay kitang kita sa liwanag ng headlight ang matatayog at nakayukong mga puno sa tabi na animo’y nagbibigay pugay sa mga nagdaraang motorista.
Nang sa ‘di kalayuan ay may napansin si Renante na tila lala­king nakatayo sa gitna ng kalsada bagaman ito ay nasa kabilang linya ng highway at nang malapit na sila ay nakita niyang walang saplot sa katawan ang lalaki.
Nagtaka si Renante dahil parang walang ibang nakakakita sa la­laki kundi siya lamang, dahilan para tanungin ang kanyang anak:
Renante: “Anak nakikita mo ba ‘yung lala­king ‘yun? Bakit siya nasa gitna ng kalsada, magpapasagasa ba siya?”
Anak: “Oo nga po pero mukhang hindi siya tao. Walang nakakapansin sa kanya.”
Nang biglang may parating na bus at parang hindi nakikita ng driver ang nakahubo’t hubad na lalaki:
Renante: “Nakupo! Delikado mababangga ng bus ang lalaki! Tigil bus huminto ka!”
Ngunit hindi huminto ang bus kaya’t napapikit na lang si Renante habang nagmenor na siya sa pagmamaneho, ngunit nagtataka siya parang walang nangyari, walang nabangga ang bus at tuluy-tuloy lang ito sa pagtakbo.
Renante: “Anong nangyari??? Mukhang hindi tao ang nakata­yong lalaki. Hindi man lang siya natinag sa pagkakatayo.”
Anak: “Tayo na dad malayo pa tayo.”
Pinaharurot ni Renante ang SUV nang sa biglang liko ay biglang sulpot ng nakaputing babae at kitang-kita na tumagos lamang ito sa SUV at kitang-kita rin ng kanyang anak.
Renante: “Muntik na tayo maaksidente buti na lang hindi ko nai­kabig ang manibela at hindi tayo bumaligtad sa kalye.
Kaya sa mga ka-Misteryo, ingat lang po tayo sa pagmamaneho sa gabi lalu na sa mga oras na ito, biglang sulpot ang mga multo maging engkanto.
***
Para sa inyong mga kuwentong karanasan sa kababalaghan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisi­tahin ang websites www.reytsiba­yan.com at abante.com.ph.