Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga kamoteng pasaway sa simbahan

0 37

Hindi raw nakapag-concentrate mga tropapips ang isa nating kurimaw sa pakikipag-usap kay Lord nang minsan siyang magsimba at makita kung gaano karami ang kamoteng pasaway sa isang simbahan sa Novaliches, Quezon City.

Litanya ng kurimaw natin na napa-juicekupo sa pagkukuwento, aba’y daig pa ng mga nagsisimba sa pagiging kamoteng pasaway ang mga nagpupunta sa mall o palengke.

Maganda naman daw ang sistema sa labas ng simbahan na inaalam ng guwardiya kung may dalang face shield ang mga tao para sa minimum health protocols. At bago tuluyang makapasok sa simbahan, kailangang magpatala sa contact tracing na log book, kukuhanan ng temperatura, wisik ng alcohol, at ipasusuot ang “face shield.”

Pero kapag nasa loob na at uupo, doon na magbabagong-anyo ang mga deboto at lalabas ang ugaling kamote at pasaway. Huhubarin na nila ang face shield o kaya ay gagawin nang headband.

Sa bilang ng kurimaw natin sa malaking simbahan na kaniyang pinuntahan, sa tinatayang mahigit 200 katao na kasabay niya sa simbahan, nasa 20 lang daw silang naka-faceshield hanggang sa matapos ang misa.

Tanong niya, ilan simbahan pa kaya ang ganito ang sistema? Exempted daw ba ang simbahan kapag may misa sa pagsunod sa patakaran ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), na dapat naka-face mask at face shield ang mga tao sa “mass gathering?”

Wala man lang daw tauhan ng simbahan na nagpaalala sa mga tao na isuot ang kanilang face shield sa loob ng simbahan para sundin ang “utos ng tao” sa paglaban sa kampon ng demonyo na COVID-19.
Kahit nga raw ang pari na nagsasagawa ng misa, deadma lang daw at hinuhubad pa ang face mask kapag nagsasalita sa mikropono at may electric fan sa kaniyang likuran.

Pangamba tuloy ng kurimaw natin, kung COVID positive si father, tiyak na nagsisirko na sa hangin ang nagtalsikan niyang laway na may virus. Feel na feel pa man daw ni father ang kumanta. At saan pupunta ang virus? Posibleng mag-landing sa mata ng mga deboto na walang face shield.

Sabagay, iyan ang paliwanag ng mga eksperto kaya tutol sila sa mungkahi ni Yorme Isko Moreno na huwag nang obligahin ang mga tao na magsuot ng face shield. Dagdag proteksiyon daw ito sa virus lalo pa’t may paniniwala na airborne o natatangay ng hangin at hindi lang basta droplet o sa talsik ng laway masasagap ang virus.

Ang ending kung sakaling may COVID positive sa misa, super spreader event na naman sa Quezon City. Mabuti’t hindi nire-raid ang simbahan gaya ng mga kainan at tambayan kapag may mga kliyenteng pasaway na lumalabag sa health protocols?

Sabi ng kurimaw natin na bihira lang magsimba pero nagsimba dahil pinayagan na ang mas maraming kapasidad sa religious gathering, kung ang mga deboto eh hindi magawang sumunod sa utos ng tao, papaano pa kaya nila susundin ang utos ng Diyos, na hindi nila nakikita?

Kailangan yatang paalalahanan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang kanilang mga pari tungkol sa pagsunod sa health protocols kahit pa may “separation of power” ang Simbahan at gobyerno.

Dapat din na tandaan na walang pinipiling lugar at tao ang COVID sa hawahan. May kasabihan na nasa Diyos ang awa pero nasa tao ang gawa. Kaya pagdating sa virus, nasa tao pa rin ang pag-iingat.

Higit na maganda kung magiging ehemplo ang simbahan sa pagsunod sa health protocols para protektahan ang mga deboto nila kasya hayaan silang maging kamote at pasaway, at puwedeng maging alagad ng COVID. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.