Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga Kapampangan na-bill shock ng Pelco

0 119

Hanggang ngayon, nagpupuyos pa rin sa galit ang mga Kapampangan sa Pampanga Electric Cooperative, Inc o Pelco II dahil sa hindi kapani-paniwalang pagtaas na kanilang monthly electricity bills na kanilang natanggap nitong June 17.

Sabi nga nila, na-shock sila sa electric bill ng Pelco dahil sobra laki ng itinaas ng kanilang bayarin. Kahit saang umpukan naging usap-usapan ito. Sa palengke, sa terminal, sa mga tindahan at sa kung saan-saan pa, ito ang araw-araw na pinag-uusapan.

Kasi ba naman halos 25 hanggang 30 porsiyento ang itinaasa ng kanilang electric bills bagay na hindi nila matanggap. Ihalimbawa ko na lang ang bill naming between May 17 hanggang June 17, kung saan nadagdagan ito ng P1,500.

Dati rati kasi, P3,900 ang bill namin nakaraang buwan at nang dumating ang bill namin nitong June 17 naging P5,400 ang bill. Apat lang kami sa bahay at iisa lang ang aircon namin na binubuksan lang pagsapit ng 10:30 ng gabi o bago matulog at pinapatay ng 6:30 kinabukasan. Araw-araw yan.

Ganoon din sa mga kapitbahay naman na nadagdagan din ng P1,000 hanggang P2,500 ang monthly electric bill. Kaya naman buwisit na buwisit sila sa Pelco II at hinihingan nila paliwanag hinggil dito.

May iba pa na nag-post sa FB na P21,000 ang bill nila habang may isa pa P67,000. Shocking di ba! SaAn nakuha ng Pelco III yun? Paano umabot ng ganoon kalaki?

Dahil dito inulan ng batikos ang Pelco II at wala silang choice kundi magpaliwanag sa kanilang Facebook page.

Paliwanag ng Pelco II, ang rate ng kuryente ay variable. Nangangahulugan daw ito na maaari itong tumaas o bumaba buwan-buwan.

Mayroong daw iba’t ibang mga kadahilanan na nakakaapekto sa rate. Ang Generation Charge, Transmission Charge, System Loss, Subsidies/Discounts at VAT ay mga halimbawa ng mga pass-on charges na nag-iiba rin bawat buwan.

Ang katotohanan, para sa buwan ng Hunyo 2021, tumaas ang electricity rate ng ₱2.5290 bawat kWh. Tama naman sila dahil ikinumpara ko ang latest monthly naman noong nagdaang buwan sa current bill na natanggap namin at lumalabas na ganito kalaki ang itinaas na generation charge.

Pero bakit ngayon lang nagpaliwanag ang Pelco II? Bakit hindi nila ginawa ilang linggo o ilang araw bago sila naglabas na susunod na monthly bill. Kung saan ginawa nila ito ng maaga eh di sana nakapaghanda agad ang tao o nagtipid sula para naman hindi ganoon kalaki bubulaga sa kannilang sunod na bills.

Mayroon naman silang Facebook page pero hindi nila naimpormahan ang kanilang mga consumer. Sana nagbigay sila ng warning o advisory na sa sususunod na bill eh asahan nang tataas ang bayarin sa kuryente. Kaso wala silang abiso at nagpaliwanag lang sila nang magwala na ang mga sa kanilang ‘shock’ bill.

But still hindi pa rin makatarungan na P2.5290 bawat kwh ang kanilang itinaas sa generation charge. Napakataas noon. Hindi natin alam kung tama ba iyon dahil sila nakakaalam nila. Ano ba ang alam natin diyan, sila lang ang nakakaalam ng computation. Ang ikinaiinis ng mga tao, itinaon pa nila habang naghihikahos pa rin ang tao sa gitna ng pandemya.

Pero konting awa naman sa tao. Hindi natin alam kung bakit umabot sa ganoon kalaki ang generation charge. Parang hindi nga nila na-justify mabuti. Ganunpaman, walang choice ang tao kundi magbayad. Sa Pelco II, konsensiya n’yo na ‘yan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.