Abante Tonite Interactive

Mga karapatan, kahalagahan ng mga alagang hayop

143

Likas na sa ating mga Pilipino ang maging mapagmahal – pagmamahal na hindi lang sa tao iniuukol kundi maging sa mga alagang hayop kung saan itinuturing na rin silang kapamilya.

Subalit sa kabila ng masidhing pagmamahal na ipinadarama ng iba ay may mga tao namang malupit sa hayop kaya nalalagay sa alanganin ang mga ito at napaparusahan dahil may batas tayong dapat tupdin sa karapatan ng mga hayop.

Ano-anong kaso nga ba ang maaaring harapin ng mga taong mahuhuling nananakit ng mga hayop? Ilan sa mga nakasaad ay mga batas sa Pilipinas hinggil sa kapakanan ng mga hayop.

Ang Republic Act 8485, na mas kilala bilang Animal Welfare Act, ang unang batas na komprehensibong nagtadhana sa tama at makataong pangangalaga ng mga pet owner sa Pilipinas.

Nakasaad dito na dapat mabigyan ng wastong pangangalaga ang lahat ng hayop, at sinumang mapapatunayang lumabag dito ay nahaharap sa karampatang parusa.

Sa Sec. 6 ng batas, ipinagbabawal ang pagmaltrato at pag-torture sa mga hayop. Ipinasa rin sa bahaging ito ng batas na hindi maa­aring pumatay ng hayop, maliban sa mga hayop na kinakain tulad ng baka, baboy, kambing, tupa, manok at iba pang poultry, kuneho, kalabaw, kabayo, usa at buwaya.

Isang paglabag sa batas ang pagpatay sa mga hayop na hindi nabanggit liban na lamang kung ito ay dahil sa ritwal ng isang relihiyon, malubhang sakit ng ha­yop, at animal control kung saan nasa bingit ng panganib ang ha­yop o mga taong malapit dito.

RA 10631. Nakapaloob naman dito ang mas mataas na piyansa o parusa kapag napatunayan ang paglabag sa Animal Welfare Act. Itinaas ng RA 10631 ang multa sa paglabag ng batas: mula sa dating P1,000 hanggang P5,000, ginawa itong P50,000 hanggang P100,000. Bukod din dito ang mga parusa sa bawat opensa at idi­nagdag bilang paglabag sa batas ang sinumang mapatunayang pinabayaan ang hayop na nasa kanyang pangangalaga.

Tandaan: Ang magandang pakikitungo o pagtrato natin sa mga hayop ay dapat mapairal dahil ang bawat paglabag ng tao sa karapatan ng hayop ay laging may karampatang parusa sa ating batas.