Abante Tonite Interactive

Mga kongresista, sana tablan ng hiya at delicadeza

By
573

Maituturing na nabutata ang mga kongresista ng mga legal luminares na dumalo sa isinagawang pagdinig ng Senado na may kinalaman sa usapin ng panukalang amyenda sa Konstitusyon.

Dalawang retiradong punong mahistrado ang sumipot sa pagdinig sa Senado na pinangunahan nina restored Supreme Court Chief Justices Artemio Panganiban at Hilario Davide kasama ang iba pang dating Justices at itinuturing na legal experts.

Malinaw sa pahayag ng dalawang dating punong mahistrado at iba pang legal experts na kung maisusulong ang pag-aamyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly (Con-Ass) ay kailangang ito ay pagbotohan ng magkahiwalay ang Senate at House of Representatives.

Kabaligtaran ito sa paniniwala ng mayoryang Kongresista na magkasanib o jointly ang pagboto sa Charter change.

Ang pananaw ng mga legal luminares na voting separately ay siya rin ang paniniwala na mayoryang senador.

May argumento rin si dating Chief Justice Panganiban na hindi kailangang aksiyunan ng Korte Suprema ang usapin sa botohan sa Cha-cha dahil isa itong usaping pulitikal kaya hindi kailangang umabot ang isyu sa kataas-taasang hukuman.

Sana naman ay tablan ng hiya at delicadeza ang mga kongresista na nagpipilit ng voting jointly para lang ma shortcut ang proseso.

Sa ngayon ay malabong makalusot ang Cha-cha dahil nagpakita agad ng kagahamanan ang maraming mambabatas at pansariling interes.

Hindi napigilan ng mga kongresista na ang isa sa kanilang motibo sa Cha-cha ay ang term extension at unli-term na ang mga politiko lang din ang makikinabang.

Mas maayos ang pag-aksiyon ng mga senador sa panukalang amyenda sa Saligang Batas dahil kinuha muna nito ang pananaw ng mga legal luminares at mga ilang sektor na maaring tamaan ng nasabing pagbabago.

Kung gustong maging matino ang resulta ng amyenda ay huwag nating ipagkatiwala sa mga mambabatas na garapal at pansarili ang iniisip kaysa sa taumbayan.

Napatunayan natin na totoo talaga ang sinasabi ni Senator Ping Lacson na makakapal ang mukha ng mga kongresistang ipinipilit ang term extension, unli-term at no elections sa pagsusulong ng Cha-cha.