Abante Tonite Interactive

Mga konsehal ng Taguig, i-drug test

By
1,245

Disyamado umano ang mga kawani at maging ang iba pang opisyal ng Taguig City dahil sa nangyari kay 2nd District Councilor Richard Paul ­Jordan na nahulihan ng ecstasy sa isang casino hotel sa Parañaque City.

Isang empleyado ng city hall ng Taguig ang nakausap ng TONITE pero ayaw magpabanggit ng pangalan at sinabing usap-usapan sa kanila ngayon ang sinapit ni Jordan dahil bukod sa droga ay nahuli pa umano ito sa pagnanakaw ng mga gamit sa inokupahang kuwarto sa Solaire Bay Tower.

“Nagulat ako sa nangyaring ito, biro mo konsehal ng bayan tapos mababalitaan mo na nagnakaw at may bitbit pa ng droga, e baka nga gumagamit pa ito ng ipinagbabawal na gamot,” pahayag ng empleyado.

Pahayag pa nito na dapat ipa-drug test ang lahat ng konsehal sa kanilang lugar at ipakita na matino sila bilang mga lider.

Nabatid na kapartido si Jordan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano. Tinangka ng TONITE na makuhanan ng pahayag ang alkalde tungkol sa insidente pero hindi ito makontak.

Samantala, inihayag ni Parañaque Police chief Sr. Supt. Victor Rosete na matapos magpositibo sa pagsusuri ng Crime Laboratory na ecstasy nga ang 31 tableta na nahuli kay Jordan ay isinailalim na rin nila ito sa drug test at hinihintay na lang ang resulta.