Abante Tonite Interactive

Mga Kriminal sa Pasay wawalisin!

0 278

Misyon ni Police Col. Bernard Yang

Ni: Issa M. Santiago

Hindi mayaman at hindi rin mahirap, simpleng tao lamang si Police Colonel Bernard Yang, na taga-Legazpi City, Albay, bago siya naging hepe ng Pasay City Police.

Nagtapos si Colonel Yang ng kursong Criminology noong 1990 at mula 1991 hanggang 1993, naging guro at nagturo siya sa Tabaco National High School.

Taong 1993 nang sumalang siya sa entrance exam sa Philippine National Police Academy (PNPA) at pinalad na nakapasa rito.

Abril 1993 nang maging kadete sa Camp Vicente sa Calamba City, Laguna.
Makalipas ang dalawang taon, napunta si Colonel Yang sa Camp Vicente sa Silang, Cavite.

Matapos maka-graduate sa PNPA ng 2002, naitalaga siya sa Davao City at Davao del Norte na may ranggong P/Inspector hanggang sa naging Police Senior Inspector.

Taong 2002 nag-advance officer siya sa Port Bonifacio, na dating Makati City, hanggang sa nailipat siya sa Criminal Investigation and Detection Group at naging hepe ng Anti-Organized Crime Division.

Taong 2018, naitalaga siyang chief of police sa National Capital Region Police–Regional Operation Division at Marso 8 ng taong kasalukuyan nang mailipat sa Pasay City Police.

Gabi-gabing nagsasagawa ng anti-criminality ops

Ilang buwan pa lang bilang hepe ng Pasay City Police si Colonel Yang, marami na siyang naging accomplishment sa lungsod.

Marso 8, 2019 nang maupo siya, agad niyang kinausap ang kanyang mga tauhan ma­ging ang mga barangay captain para mailatag ang mga programa na gusto niyang mangyari sa Pasay City.

Halos gabi-gabi silang nagsasagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation o SACLEO.

Tumaas ang bilang ng mga naaresto sa lungsod sa pagda­ting ni Colonel Yang kung saan nakaaresto na sila ng mahigit 300 at hindi sila tumitigil para mapuksa ang kriminalidad sa lungsod na karamihan aniya’y kaso ng nakawan o theft.

Karamihan din aniya ng mga naaresto, dahil sa paglabag sa mga ordinansa ng lokal na pamahalaan at pangalawa dahil sa iligal na droga.

Nagpapasalamat naman si Colonel Yang sa pakikipagtulungan ng mga residente ng Pasay sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga impormasyon hinggil sa mga kriminal sa lungsod gaya ng mga tulak.

‘Kubo ng Pagbabago’ para
sa mga drug surrenderee

Inilunsad ng nakaraang taon ng Pasay City Police ang tinatawag nilang “Kubo ng Pagbabago Recovery and Wellness Center”.

Isa itong rehabilitation project para sa mga drug surrenderee sa Pasay PNP Compound.

Ang kubo umano ang nagsisilbing drug rehabilitation center na tutulong sa mga sumukong drug dependent na makarekober.

Nagiging bahagi ang mga drug surrenderee ng iba’t ibang entrepreneurial at livelihood activities na makakatulong sa kanila kapag nagbalik na sa komunidad.

Mayroon din umanong mga kompanya na mag-aalok ng trabaho sa mga surrenderee matapos sumailalim sa programa.

Layon ni Colonel Yang na dumating ang panahon na sasabihin sa kanila ng mga nasasakupang mamamayan na nakakapaglakad na ang mga ito nang ligtas sa gabi dahil doon niya masasabing nakapagtrabaho sila nang maayos bilang mga pulis.