Abante Tonite Interactive

Mga kritiko ang umakay ng PHL squad sa Asiad!

By
366

Magandang balita ang dumating sa buong komunidad ng basketbol, pati fans na sumusubaybay sa isport ng basketball.

Dahil siguro sa mga atake sa dyaryo, sa social media at mga komentaryo ng mga manlalaro natin noong dekada 90 katulad nila Sonny Jaworski, Ramon Fernandez na dapat ituloy ang pagsali sa Asian Games.

Ito din ang hinihintay ng bawat Pilipino na mahilig sa basketball. Natandaan natin noong nakatungtong tayo sa FIBA World Cup sa España, kung saan tayong lahat ay humanga kina Jimmy Alapag, June Mar Fajar­do, Gabe Norwood at iba pang manlalaro ng ating koponan.

Punong-puno ang mga beerhouse at inaabangan ng bawat Pinoy ang mga laro ng Gilas Pilipinas sa España.

Ito ay nagbigay-aliw sa ating mga kababa­yan. Noong nagdesisyon ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na ‘wag nang sumabak sa Asian Games, kasi baka daw hindi maganda ang resulta ng Pilipinas sa torneo at kailangan daw mag-regroup dahil sa gulo na nangyari noong laban kontra Australia, marami ang nadismaya sa hakbang na ito ng SBP. Batikos ang nangyari mula sa iba’t ibang direksyon.

Ngunit bago ang laro ng SMB-Ginebra noong Biyernes, nagkaron ng press confe­rence ang PBA at SBP para kumpirmahin na sasali ulit ang Pilipinas sa Asian Games sa Indonesia.

Anim na player ang kukunin sa Rain or Shine. Sina Ahanmisi, Tiu, Almazan, Belga, Yap at Norwood. Sa ibang koponan naman sa PBA, si Standhardinger ng SMB, Pringle ng GlobalPort, Lee ng Magnolia, Poy Erram ng Blackwater, Trollano ng Talk ‘N Text, at Asi Taulava ng NLEX.

Sinamahan din ang koponan ng dalawang Gilas cadets na si Kobe Paras at Ricci Rivero. Ang magiging coach ay si Yeng Guiao. Bago ang torneo, dalawa sa lineup ang aalisin.

Sino kaya?

Ngayon may pag-asa ba ang koponan natin? Kung ako ang tatanu­ngin n’yo, mahihirapan talaga ang koponan. Lagi ko sinasabi, “it is not the composition but the preparation that counts.”

Sa ating grupo sa torneo, ang makakalaban natin ay Iran, United Arab Emirates at Syria. Ang unang laro natin ay makakalaban natin ang United Arab Emirates na gaganapin sa Agosto 16. Ipagdasal na lang natin ang ating koponan.