Abante Tonite Interactive

Mga langaw na nakatuntong sa kalabaw

351

Ilang beses na yatang sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na sampalin ang mga public servant na nagiging sanhi ng paglala ng red tape sa gobyerno. Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address noong Hulyo 22, muli niyang ipinaalala sa publiko na kung may mga tao sa gobyerno na corrupt, gumawa sila ng eksena at sampalin ang mga ito.

Sa kabila nito, wala pa tayong naririnig o nababalitaan na mamamayan na nanampal ng public servant dahil sa red tape o corruption. Siyempre, takot sila na makasuhan sa pananampal. Mabuti sana kung ipapadala ng Pangulo ang mga abugado ng gobyerno para idepensa sa korte ang taong nanampal ng corrupt.

Kahit na kilalang mahigpit ang Pangulo sa corruption at red tape, marami pa rin talaga ang pasaway lalo na sa pinakamababang level ng public service.

Sa Barangay San Antonio sa Parañaque City lamang, may mga empleyado na parang mga langaw na nakatuntong sa kalabaw.

Mayroong d­alawang empleyado dito na hindi yata uso ang ngiti sa public service kundi angas. Pahihirapan ang applicant sa pagkuha ng sertipikasyon na resident ng barangay. Kahit na may dalawa hanggang tatlong witness na magpapatunay na residente ng barangay ang applicant, kontrabida pa rin ang dalawang empleyado. Ang matindi pa nito, pinahiya pa nila ang applicant at inakusahan na nagsisinungaling.

Alam natin na ma-buting tao si Chairman Pol Casale. Hindi siya mahahalal muli sa nakaraang halalan at talunin ang incumbent chairman kung wala siyang nagawang mabuti sa mamamayan ng barangay. Pero itong dalawang empleyadang ito ang nakakasira sa magandang pundasyon ni Casale. Kung alam ito ni tserman, tiyak na hindi niya palulusutin ang ganitong pag-uugali ng mga nagtatrabaho sa kanyang bakuran.

***

Napapanahon nang isabatas ang panukala ni Senate Majority Leader Migz Zubiri sa paglikha ng Commission on Immigration. Hangarin ng Senate Bill No. 107 ni Zubiri na kontrolin ang pagpasok ng mga dayuhan sa Pilipinas.

Lumobo na kasi ang bilang ng mga Chinese sa bansa dahil sa policy na visa upon arrival.

Giit ni Zubiri, dapat muna silang kumuha ng visa bago makapagbiyahe at makapasok sa ‘Pinas. Nais din ng senador na kontrolin ang bilang ng mga dayuhan bunsod ng pagbaha ng mga Intsik na nagtatrabaho sa mga Philippine Online Gaming Operator (POGO).

Sana naman ay maisabatas ito upang sa gayon ay mabigyan naman ng proteksyon ang mga manggagawang Pinoy na sinusulot ng mga Chinese sa trabaho sa bansa.