Abante Tonite Interactive

Mga LGU exec gigil kay Secretary Dominguez

324

Nananawagan kay Pangu­long Rodrigo Duterte ang mga local government unit (LGU) sa lalawigan ng Bulacan kasabay ng kahili­ngang kastiguhin si Department of Finance Sec. Carlos Dominguez III dahil sa pagkakabinbin ng itata­yong international airport sa kanilang lugar.

Ito ay matapos magsunod-sunod ang pagkakabun­yag sa media ng patuloy na pagsilip ni Dominguez sa P735 billion New Manila International Airport project na reresolba sa pagluwag ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at magbibigay ng solusyon sa patuloy na pagsikip ng pangunahing paliparan sa bansa.

Ayon sa ulat ng isang pahayagan kamakailan, pinayuhan umano ni Dominguez si Pangulong Duterte na ihinto ang proyekto dahil nagkamali ang Department of Transportation (DOTr) sa pag-apruba nito sa NMIA.

Pinagdududahan ng mga lokal na opisyal ng Bulacan ang tunay na motibo ni Dominguez matapos mabunyag na nagsumite ito ng memorandum at may kasamang ‘perso­nal note’ umano sa Pangulo laban sa itatayong world-class airport.

Sinasabi rin umano sa memo ni Dominguez na nagkamali ang DOTr sa proyekto at sakaling matuloy ay magiging isa lamang itong ‘white elephant’.

Matatandaan na nito lamang nakarang taon ay nagpahayag ng ‘reservation’ si Dominguez sa proyekto at idinahilan ang New Clark City na may 55 kilometro ang layo sa pagtatayuan ng modernong paliparan.

Kamakailan ay inamin ni DOTr Secretary Arthur Tugade na naka-pen­ding sa Department of Justice (DOJ) ang concession agreement dahil may ilang isyu na nililinaw ang Finance Department kahit pinagkalooban na ng notice to proceed noong Setyembre 18 ang San Miguel Corporation (SMC).

Batay sa ulat, sinisilip umano ni Dominguez ang paglilinaw sa interpretasyon ng ‘material adverse govern­ment action (MAGA) at hangganan ng pananagutan ng gobyerno sa proyekto.

Ang MAGA clause ay tumutugon sa magiging kumpensasyon ng gobyerno sa concessionaire sa oras na magkaroon ng aberya o aksyon ang gobyerno na maaaring makaapekto sa proyekto.

Sa kongreso, nanawagan naman sa DOJ sina San Jose del Monte Rep Rida Robes at 2nd District Rep. Gavini ‘Apol’ Pancho na bilisan ang review.

“Nakakalungkot na nagkakaroon ng delay sa pagpapatayo ng bagong airport sa Bulacan. Isa ako sa nagbunyi noong nalaman ko na dito sa Bulacan gagawin ang bagong airport dahil hindi lang ito magbibigay ng trabaho sa aming mga kababayan kundi magdudulot ito ng progresibong buhay sa aming lugar,” paha­yag ni Robes.

“Umaasa ako na mareresolba ang mga issue na nagdudulot ng delay sa lalong madaling panahon. Patuloy kaming aasa na ito’y matuloy hindi lamang para sa amin sa Bulacan kundi para sa pag-unlad ng buong bayan,” dagdag naman ni Rep. Pancho.