Abante Tonite Interactive

Mga LGU, kapaligiran tutukan ni Tolentino sa Senado

301

Handa na si Senator-elect Francis Tolentino sa bagong trabaho sa Senado kung saan tututukan umano niya ang pagpapalakas ng local go­vernment units (LGUs) at ang pangangalaga sa kapaligiran.

Sumailalim sa me­dical check-up si senator-elect Francis Tolentino para paghandaan ang bagong hamon bilang isang mambabatas.

Sa isang panayam sa Malacañang kay Tolentino, sinabi nitong kaila­ngang maging handa siya sa mga naghihintay na hamon sa kanya sa Mataas na Kapulu­ngan ng Kongreso kaya dapat matiyak na maayos ang kanyang kondisyong pang­kalusugan.

Sinabi ni Tolentino na tututok siya sa local go­vernment at environment sa mga gagawing lehislasyon sa sandaling magsimula na ang sesyon ng Kongreso at ito rin ang mga gustong pamunuang komite.

“Kung papipiliin ako, baka local government saka environment ang gusto ko na maging chairman dahil ito ang mga bahagi ng adbokasiya ko,” dagdag pa ni Tolentino.

Dalawang beses aniya itong nagkasakit noong panahon ng kampanya kaya kailangang masigurong maganda ang kanyang kondisyon sa pagbubukas ng Kongreso.

“Nagpa-checkup na ako kasi matagal-tagal na akong hindi nagpapa-checkup. Dalawang beses po tayong nagkasakit dahil sa pagod sa kampanya,” ani Tolentino.

Inihahanda na aniya nito ang sarili at mayroon na itong reading material­s para sa mga panuntunan ng Senado para hindi mangapa pagtuntong sa Mataas na Kapulungan. (Aileen Taliping)