Abante Tonite Interactive

Mga LGU tinaningan ng 90 araw: ‘The Big One’ paghandaan

319

Binigyan ng 90 araw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga local government unit (LGU) upang suriin ang mga gusali at iba pang imprastraktura sa kanilang nasasakupan bilang paghahanda sa malakas na lindol o ‘The Big One’.

Sa press confe­rence hinggil sa paghahanda sa mga kalamidad na isinagawa sa Camp Crame Miyerkoles ng hapon, sinabi ng kalihim na inaasahan niyang magsusumite ang mga LGU ng structu­ral assessment sa mga gusali at iba pang istraktura sa kanilang nasasakupan sa loob ng 90 araw na magsisimula kahapon.

Babala ni Año, mahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang mga paba­yang opisyal ng LGU na maaaring masibak sa puwesto at i-ban sa pagtakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.

Bukod sa mga LGU, binigyan din ng trabaho ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa paghahanda sa kalamidad batay sa Joint Memorandum Order Circular 2019-01.

Ayon naman kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, may kabuuang 5,980 mga gusali ang kasalukuyang sumasailalim sa risk assessment sa Metro Manila, Cavite, Batangas, Laguna, Rizal at Quezon gayundin sa Central Luzon bilang paghahanda sa The Big One.

“23 retrofitting projects were being implemented in ­Metro Manila. Tuloy-­tuloy ang assessment at retro­fitting sa Greater Manila area,” ani Villar. (Edwin Balasa)