Abante Tonite Interactive

Mga magulang nagpasaklolo sa MPD

482

Humingi ng tulong sa Manila Police District (MPD) ang mga magulang ng apat na estudyante pawang nasa Grade 11 at 12 at nag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) at Far Eastern Univetsity (FEU) para mabawi ang kanilang mga anak na hawak na ng New People’s Army (NPA).

Alas-singko nang hapon nang magtungo sa MPD at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga magulang ng ilang senior high school student sa Maynila para mabawi mula sa militanteng samahan ang mga nawawalang anak.

Ikinuwento ng mga magulang na hindi na muna nagpabanggit ng kani-kanilang pangalan na ang apat na menor de edad ay estudyante ng PUP at FEU.

Ayon sa mga magulang nakakaranas na umano sila ng takot para sa kanilang mga anak na 16 at 17-an­yos na mga babae, nasa Grade 11 at Grade 12.

“Humihingi po kami ng tulong dahil sa takot para sa aming mga anak, baka po sila mapahamak o mapatay at hindi namin alam kung paano sila maisasalba sa pagpasok nila sa samahan. Nakikita po namin sila sa mga post nila sa Facebook na kasama sila sa nagra-rally sa kalye at hindi na sila nakakapasok sa klase,” ayon sa mga magulang.

Ayon sa isang ina ,hindi na niya kilala ang kanyang anak na parang politiko na magsa­lita at malimit na sinasaktan ang damdamin nilang mag-asawa.

Dati umanong hindi palalabas ng bahay, masunurin at mabait ang dalagita pero nu’ng su­mali sa grupong Anakbayan ay naging palasagot na ito at pa­laban.

Hindi na rin umano nila mapigilan na uma­lis nang gabi, mada­ling-araw at madalas na hindi umuuwi ng bahay hanggang sa tuluyan nang hindi nagpapakita sa kanila o mag-text man lamang sa kanila.

Nalaman na ang mga ina at ama ng mga bata ay nagmula pa sa lalawigan ng Batangas, Pasay at Quezon City.

Sinabi pa ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay nagtutungo sa iba’t ibang lugar sa Metr­o Manila at kalapit na lalawigan kabilang ang Bulacan para sa mga pagpupulong.

Sinabi naman ng ina ng nawawalang Grade 12 ng FEU, alam niya ang pangalan ng nag-recruit sa anak niya at mismong sa FEU campus pa umano na-recruit kasama ng ilang kaibigan. Samantala, sinabi naman ni MPD acting Public Information Office chief, P/-Major Ana Simbajon, na ipinoproseso pa nila ang kinakailangang dokumento sa planong paghahain ng kaso sa DOJ laban sa mga inire­reklamong militanteng grupo.

Pag-aaralan pang mabuti ng pulisya kung anong isasampang kaso base sa hawak nilang ebidensya. (Juliet de Loza-Cudia)