Abante Tonite Interactive

Mga makakaliwang lider, next target nga ba?

By
465

Matapos lumabas ang warrants of arrest laban sa apat na dating mga Party-list representative ay agad na itinuro si Pangulong Rodrigo Duterte na nasa likod ng pagpapaaresto sa kanila.

Nagpalabas kaagad ng pahayag ang Maka­bayan bloc sa Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso at idinidiin ang Pa­ngulo na siyang may kumpas sa inilabas na mandamiyento de aresto ng Palayan Regional Trial Court sa Nueva Ecija laban sa mga dating kongresistang sina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Teddy Casiño, dating Gabriela Representative at ngayo’y National Anti-Poverty Commission Secretary Liza Maza at dating Department of Agra­rian Reform Secretary Rafael Mariano.

May kinalaman ito sa kasong murder ng apat dahil sa pagdukot at pagpatay umano sa mga biktimang sina Danilo Felipe noong 2001, Jimmy Peralta noong 2003 at Carlito Bayudang noong 2004 na pawang miyembro ng kalabang Party-list na Akbayan.

Pero agad na dumistansiya ang Malacañang sa bintang ng mga progresibong kongresista dahil ito ay isyu ng Hudikatura at hindi ng Ehekutibo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mayroong tinatawag na inter-parliamentary courtesy at kahit kailan aniya ay hindi nakikialam o nanghihimasok ang Ehekutibo sa trabaho at mandato ng Hudikatura.

Pero iginiit ng mga makakaliwang grupo na mayroong binitiwang pahayag noon si Pangulong Rodrigo Duterte na next target niya ang mga grupong may simpatiya at nakikipagsabwatan sa mga rebelde at Kilusang Komunista.

Hayagan ang disgusto ng Pangulo sa mga grupong nakikipagsabwatan sa mga komunista at kung matatandaan ay mayroon nga itong naging pahayag noong kasagsagan ng inis at galit nito kay Communist Party of the Philippines (CPP) founding Chairman Jose Maria Sison na isusunod niya ang mga grupong may koneksiyon sa mga komunista.

Pero may pambawi ang Pangulo sa na­ging babala nito dahil ilan sa mga lider ng makakaliwang grupo ay binigyan nito ng puwesto sa gobyerno gaya nina dating secretary Mariano at Maza na kasalukuyan pa ring nasa NAPC.

Ang ayaw lamang ng Pangulo ay ang sabwatan ng mga makakaliwa sa mga grupong walang inisip kundi pagplanuhang pabagsakin ang gobyerno.

Hindi malayong mangyari ito dahil minsan nang nagsanib ang puwersa ng mga makakaliwang grupo at mga kritiko noon na nagpatalsik kay dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada.

Pero palaban ang Duterte administration at tiniyak na hindi papopormahin ang mga nais manggulo sa ba­yan dahil ang hangad ng Pangulo ay magkaroon ng kapayapaan at pag-unlad sa buhay ng mga Filipino.