Abante Tonite Interactive

Mga mall nakipagtulungan sa DFA para makapaghatid nang mabilis na serbisyo

Aksyon lady

By
435

Good news para sa ating kababayan na nasa malalayong lugar at nahihirapang mag-ayos at kumuha ng passport.

Para masigurong maihahatid nila ang tamang serbisyo sa ating kababayan, lumagda po ng kasunduan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa SM at Gaisano para maglagay ng mga consular office sa kanilang mall.

Kahanga-hanga po ang ganitong hakbang dahil patunay lang ito ng pagmamalasakit ng ating pamahalaan sa kababa­yan nating may hangarin at nagbabaka-sakaling mabigyan nila nang mas magandang kinabukasan ang kanilang pamilya sa ibang bansa.

Pormal na nagkasundo ang DFA at SM Prime Holdings at Gaisano Group para sa pagbubukas ng apat pang mga mall-based consular office na makakatulong sa pagbigay ng serbisyo sa mga tao.

Maituturing itong isang flagship public service program ng mga nasabing mall na naglalayong mapadali at mas maging maayos ang pakikipag-ugnayan ng mga ordinaryong mamamayan sa ahensiya ng pamahalaan.

Ang DFA consular office sa mga mall ay ka­yang tumanggap ng 200 hanggang 300 passport applicant kada araw at tatagal ang pagproseso ng 13 hanggang 15 minuto.

Susundin din po nito ang mall operating hour na mula alas-10:00 nang umaga hanggang alas-otso nang gabi.

Isasagawa ang pagpoproseso at pagre-release ng passport mula Lunes hanggang Sabado sa mga nabanggit na oras at tuwing Linggo ay passport releasing lamang mula alas-10:00 nang umaga.

“We would like to thank SM Prime Holdings and the Gaisano Group for expanding their partnership with us,” wika ni Secretary Alan Peter Ca­yetano matapos ang pagpirma ng memorandum of agreement kasama ang SM Prime Holdings at Gaisano Malls para sa libreng renta sa pag-host ng consular office sa kanilang mga mall.

Para po sa inyong kaa­laman, ang mga bagong DFA consular office ay matatagpuan sa SM City Dasmariñas, Cavite; SM City San Pablo, Laguna; SM Cherry Foodarama Antipolo, Rizal; at sa Gaisano Mall sa Tagum City.

Ang kasunduang pi­nirmahan ay Public-Private Partnership agreements sa SM at Gaisano at kasunod nito ang pagpapasinaya ng mga bagong consular office sa Robinsons Mall sa San Nicolas, Ilocos Norte, Santiago City, Isabela, at Tacloban City sa Leyte.

Heto pa, tatlo pang consular office ang nakatakdang itayo sa Malolos City, Bulacan Paniqui, Tarlac at Ozamiz City o sa Oroquieta City sa Mindanao.

Aba eh dapat lang na magpasalamat itong si Cayetano kay Presidente Rodrigo Duterte sa mga inisyatibo nito upang maging posible sa DFA na lalong lumawak ang kapasidad nito na magbigay ng serbisyo sa tao.

Sinabi naman ni Fo­reign Affairs Assistant Secretary for Consular Affairs Frank Cimafranca na malaking tulong sa kanila ang pagbubukas ng mga bagong opisina ng DFA para lalong palawakin at palakasin ang kapasidad ng DFA sa pagbibigay ng pasaporte sa tao.

Bukod ditto, dinoble rin pala ng DFA ang bilang ng mga van para sa kanilang Passport on Wheels Program, kasama na ang Mobile Outreach Services para mas maraming passport applicant ang matulungan hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa mga probinsiya.

Ang mga passporting office naman sa Aseana, Parañaque ay patuloy pa rin ang operasyon na bukas hanggang araw ng Sabado simula pa noong January.

Para po sa iba nating kababayan sa iba pang lugar, hintay lang po at susunod na po kayo…promise po ‘yan ng ating gobyerno.