Abante Tonite Interactive

Mga manggagawa, health worker bagong bayani – Palasyo

512

Tinawag ng Malacañang na mga bagong bayani ng henerasyon ang lahat ng mga manggagawang nasa frontline sa kabila ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi lamang mga health worker, mga sundalo at pulis ang dapat na kilalanin at papurihan dahil sa kanilang sakripisyo at pagharap sa hamon ng COVID-19 kundi ang iba pang sektor na may kontribusyon at ginagampanan ang kanilang trabaho lalo na sa mga panahong ito na umiiral ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Ayon kay Panelo, hindi rin matatawaran ang ipinapakitang katapangan at sakripisyo ng mga empleyado ng mga botika, supermarket, at grocery dahil sa kabila ng paghihigpit ng gobyerno ay ginagampanan ang kanilang tungkulin at nagsasakripisyong pumasok sa trabaho.

Kasama rin sa sektor ng mga bagong bayani ng henerasyon ay ang mga magsasaka at trabahante sa bukid para magkaroon ng patuloy na ani at madala sa mga pamilihan.

Kinilala rin ng Palasyo ang sakripisyo ng mga manggagawa sa food preparation at delivery service para makapaghatid ng pagkain sa mga taong hindi makalabas ng bahay dahil sa paghihigpit ng mga awtoridad para hindi mahawa sa COVID-19.

Kabilang sa mga pinapurihan din ni Panelo ang mga tsuper na sumusundo at nagdadala ng mga health worker sa mga hospital, pati na ang mga driver na nagdedeliver ng mga produktong pang-agrikultura para matiyak na hindi makompromiso ang supply ng pagkain ng mamamayan.

Ipinaabot din ng Palasyo ang pasasalamat sa mga local scientist at mga researcher dahil sa kanilang pagsisikap na makabuo ng mga test kit para sa COVID-19, at mga piloto at cabin crew ng iba’t ibang airline na inuwi ang mga overseas Filipino worker mula sa mga bansang mayroong COVID-19.

“These selfless and dedicated countrymen of ours who man the ramparts against this scourge of an unseen invader that threatens the very survival of our nation are the new heroes of this generation,” ani Panelo.

Ipinagdarasal aniya ng gobyerno ang lahat ng mga bagong bayaning ito na sana ay ilayo sila sa bagsik ng COVID-19, at habambuhay na tatanawin ang kanilang sakripisyo para sa bansa.

Tiniyak ni Panelo na ibubuhos ng gobyerno ang suporta sa mga front liner at tulong na kanilang kailangan sa pagtugon sa tungkulin. (Aileen Taliping)