Abante Tonite Interactive

Mga maralitang biktima ng war on drugs

By
461

Kamakailan ay inabsuwelto ng Department of Justice (DOJ) ang mga druglords na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Marcelo Adora, at 17 iba pa sa mga kasong kaugnay sa iligal na droga.

Kitang-kita ang mala­king pagkakaiba nito sa mga mahihirap na napatay ng mga alagad ng batas sa umano’y anti-drug operations nang simulan ng Pangulo ang kanyang kampanya laban sa iligal na droga.

Nang inilunsad ang giyera kontra ilegal na droga, umaabot na 4,000 katao ang napatay sa anti-drug operations.
Kung isasama pa ang mga biktima ng posibleng vigilante killings na 16,000, aabot na ang mga numero sa 20,000 katao.

Kung ang mga inabsuwelto ng DOJ na mga druglords ay walang matibay na ebidensya na magdidiin sa kanila sa kasong illegal drug trade isipin mo na lang ang maaaring libo-libo ding mga suspek na napatay agad-agad sa kabila ng kawalan ng matibay na ebidensya.

Nakakalungkot lang na agad na sinentensyahan ng kamatayan ang mga mahihirap dahil sa suspetsang nagtutulak ang mga ito o kaya gumagamit ng iligal na droga pero kung mayaman ang mga ito, malamang na nagkaroon sila ng due process at posibleng buhay pa sila hanggang ngayon.

Nasa listahan ni Duterte ang mga inabsuwelto ng DOJ pero lumalabas na walang basehan ang mga bintang sa kanila ng punong ehekutibo dahil sa pagkakabasura ng kanilang kaso.

Pinaparating lamang nito na ang listahan ni Duterte ay wala ring basehan at hindi maaasahang batayan.

Ang libo-libong napatay sa giyera kontra ilegal na droga, na karamihan ay mula sa maralita, ay hindi nabigyan ng tsansang patunayan kung mayroon nga ba silang pagkakasala o wala.

Ikumpara natin ito sa mga high-profile persona­lities na nabigyan ng due process at inabsuwelto pa sa kabila ng tahasang pag-amin na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Hindi maiwasang isipin ng mga tao ngayon na sadyang binabalewala ang buhay ng mga mahihirap nating kababa­yan dahil wala namang kakayahang lumaban habang ang mga high profile personalities ay nagkakaroon ng due process at naabsuwelto pa kalaunan.

Ito ba ang hustisya? Ganito ba tumatakbo ang hustisya sa ilalim ng administrasyong Duterte?
Isa lang ang pinapatunayan ng administrasyong ito, isang kaipokritohan ang maigting na paglaban umano sa iligal na droga.