Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga mayor dumiskarte na para `di mabokya sa bakuna

0 45

Kumikilos na rin ang mga local government unit (LGU) dahil gusto lang makasiguro ng mga mayor na hindi mapag-iiwanan ang kanilang mga kababayan sa suplay ng bakuna laban sa COVID-19.

Ito ang paliwanag ni Senador Sherwin Gatchalian nang matanong sa panayam sa radyo kung nababagalan ba ang mga LGU sa pagbili ng COVID-19 bakuna ng national government kaya kumilos na rin ang mga ito.

Kabilang ang Valenzuela City na pinamumunuan ni Mayor Rex Gatchalian sa mga LGU na naglaan ng pondo para ipambili ng COVID-19 bakuna.

“Tingin ko naman hindi nababagalan, sa amin naninigurado lang. gusto lang namin masigurado na meron talaga kaming hawak na bakuna kasi nga kung dadaan `yan sa national government, alam natin na maraming priority ang national government, uunahin nila `yong national hospitals,” sabi ng senador.

“Ang gusto lang naman natin dito sa Valenzuela na masigurado na may hawak na tayong physical na mga bakuna. Pero na-experience rin namin ang hirap, talagang agawan,” aniya pa.

Mahirap din kasi aniya dahil hindi malinaw kung paano ang distribusyon sakaling dumating na ang mga COVID-19 bakuna na bibilhin ng national government.

Inihayag naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na hindi masisisi ang mga LGU kung magkanya-kanya na sa pagbili ng bakuna dahil wala pang malinaw na polisiya ang gobyerno para sa COVID-19 vaccination program.

Subalit dapat aniya tuloy-tuloy pa rin ang pagpaplano ng gobyerno para mabigyan ng libreng bakuna ang lahat ng mga Pilipino lalo na’t naglaan naman ng P72 bilyon ang Kongreso para dito. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.