Abante Tonite Interactive

Mga mayor, galaw-galaw din ‘pag may time

By
426

Perwisyo ang dulot sa mga taga-Metro Manila ang konting ulan at mga baradong kanal dahil matinding pagbaha ang kasunod nito.

Maghapong umulan kahapon, Sabado sa Metro Manila at gaya ng dapat asahan ay may mga lugar na binaha at hindi madaanan ng mga motorista dahil tumaas ang tubig sa kalsada.

Ilang taon nang ganito ang problema sa Metro Manila pero tila ba hindi natututo ang mga Metro mayor para gumawa ng paraan upang hindi na maulit ang mga pagbaha.

Batid naman ng mga Metro mayor na ang ugat ng mga pagbaha ay ang mga baradong kanal o mga imburnal pero tila wala sa kanilang prayoridad ang paglilinis sa mga ito.

Nagdaan ang panahon ng tag-init pero sa halip na atupagin ng mga local official ang magpalinis ng mga baradong kanal ay iba ang inuna gaya ng paliga sa basketball at santacruzan… susmarya!

Ngayong nagsimula na ang panahon ng tag-ulan ay maraming mamamayan ang naperwisyo dahil napaba­yaan ang mga baradong kanal at imburnal na naging dahilan ng mga pagbaha.

Huwag nang hinta­ying maulit ang mala-Ondoy na karanasan bago kumilos dahil tiyak na maraming mamamayan ang mapeperwisyo dahil sa kapabayaan.

Akala ko natuto na ang mga lingkod bayan sa mga nakalipas na pangyayari pero tila nagkalimutan na naman at saka lang kikilos kapag nabibira o napapansin sa kapalpakan.

Nito lamang nakalipas na linggo ay mga esterong puno ng basura ang nilinis ng ilang ahensiya ng pamahalaan at hindi pa siguro kikilos ang mga local official na may sakop nito kung hindi nakita ang presensiya ng ibang ahensiya.

Kailangan ng mamamayan ang mga opisyal na may sariling inisyatiba para sa kanilang kapakanan at hindi mga opisyal na tatamad-tamad na ang akala sa napanalunang puwesto ay para magpasarap at magpayaman.