Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga mayor kulang sa political will

0 116

Kamakailan ay naglabas ng direktiba ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IAT-MEID) para sa mandatory na paggamit ng face shield sa buong bansa subalit hindi lahat ng Pinoy ay sumusunod nito.

Bagamat ang direktiba ay idinaan ng IATF sa Department of Interior and Local Government (DILG) para ibaba ang kautusan sa local government units, tila kulang sa aksiyon ang mga lokal na opisyal hinggil dito.

Layon ng paggamit ng face shield na makadagdag ng proteksiyon laban sa COVID-19 pero maraming mamamayan ang matigas ang ulo at ayaw sumunod sa paggamit nito dahil sa mga sari-saring alibi.

Ang iba ay ginagawa lamang headband at hindi ginagamit ng maayos kaya nandoon pa rin ang peligro na mahawa o makahawa ang mga ito ng mabagsik na virus.

Kaya naman halos hindi sumusunod ang maraming Pinoy ay dahil sa katwirang wala namang parusa o multa kung hindi sila magsusuot ng face shield.

Sa loob ng isang kilalang mall ay mayroong umiikot na tauhan hawak ang placard na isuot ng maayos ang face shield subalit kapag wala na ang tagapagpaalala ay nakataas na sa ulo ito.

Maging sa mga dumadalo sa misa sa labas ng mga simbahan ay kapansin-pansin ang mga nakataas na face shield ng mga ito kahit pa may mga pulis at mga tanod ng barangay na umiikot hawak ang kanilang yantok.

SM food to go Banner Ad

Siyam na buwan nang nakikipaglaban ang mga Pinoy sa bagsik ng COVID-19 subalit marami pa rin ang mga pilosopo, mga pasaway at matigas ang ulo at minamaliit ang COVID-19 na ayon sa kanila ay simpleng ubo lamang o kaya ay flu.

Bukod sa mandatory na paggamit ng face shield, hindi rin nasusunod ang social distancing kahit pa nakabantay ang mga pulis sa mga pampublikong lugar at maging sa mga mall.

Bakit hindi gayahin ng mga lokal na opisyal ang ibang mga bansa na pinagmumulta ang mga lumalabag sa health protocols, o kaya ay ina-isolate sa kanilang mga kasama sa bahay.

Mahirap bang maglabas ng resolusyon ang mga alkalde o kaya ang Metro Manila Council para epektibong maipatupad ang basic health protocols lalo na ngayong mayroong bagong strain ang COVID-19?

Nakakasiguro akong susunod ang mga Pinoy kung mayroong kamay na bakal na gagamitin para sa mga pasaway sa health protocols, lalo na kung may kasamang multa o parusa.

Hindi pa huli ang lahat, puwedeng maglabas ng utos ang mga alkalde sa bawat barangay para magpataw ng multa o parusa sa mga hindi susunod sa health protocols dahil sayang ang mga ginagawang pagsisikap ng gobyerno para masiguro ang kaligtasan ng sambayanan laban aa COVID-19 kung marami pa ring mga pasaway at pilosopong Pinoy .

Mga mayor, beke nemen! huwag hayaang magdulot ng dagdag na problema ang mga pasaway na constituents. Konting pitik lang para sumunod sila sa simpleng paraan ng pag-iwas sa posibleng kontaminasyon ng COVID.

Sana sila lang ang tamaan ng COVID at maperwisyo at huwag ng mandamay ng ibang posibleng mahawa dahil sa katigasan ng kanilang ulo!

Leave A Reply

Your email address will not be published.