Abante Tonite Interactive

Mga millennial nakiisa sa ‘Imelda Iselda’

494

Sanib-puwersa ang mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad, opposition senatoriable at mga biktima ng Martial Law sa People Power Monument sa Quezon City para hilingin ang pagkulong kay dating Unang Ginang Imelda Marcos na hinatulan ng guilty para sa pitong bilang ng graft.

Sigaw ng mga nagprotesta, #ImeldaIselda.

Dinaluhan ang #ImeldaIselda protest nina senatoriable Erin Tañada, dating Commission on Human Rights (CHR) chairperson Etta Rosales at Martial Law victim na si Nilda Fullon, na nag-isyu ng symbolic People’s Warrant of Arrest laban kay Marcos matapos na makapagpiyansa.

Iginiit ni Rosales na kailangan umanong pag-aralang mabuti ng hukuman ang kanilang desisyon dahil ito ay hindi lamang sa kanilang henerasyon, kundi maging sa mga millennial at z-generation na siyang magdadala ng tanglaw ng kalayaan at demokrasya at hindi na hahayaang makabalik pa sa kapangyarihan ang mga Marcoses.

“The Marcoses have ended the lives of hundreds of youth and students during their ­regime. Their graft and corruption have robbed the youth of resources that could have been used for our education, our jobs. This is why a life sentence for Marcos is sweet justice for the younger generation too,” pahayag ni Akbayan Youth chairperson Atty. JC Tejano.

Inorganisa ito ng Akbayan Youth, ASEAN Youth Forum, Liberal Youth, Tindig Kabataan, Millennials PH, Student Council Alliance of the Philippines, mga estudyante ng University of the Philippines (UP), Ateneo de Manila University, University of Santo Tomas, De La Salle University at College of Saint Benilde.