Abante Tonite Interactive

Mga millennial target sa high-end marijuana

0 147

Talamak na naman ngayon ang bentahan ng marijuana sa bansa, patunay dito ang kaliwa’t kanang pagkaaresto sa mga tulak at gumagamit ng ipinagbabawal na drogang ito.

Kamakalawa lamang ay nadakip ang isang British national at ka-live in nitong Pinay matapos madiskubre ang tanim nilang high-grade marijuana sa loob ng isang bahay sa Subic, Zambales.

Hawak ng ng awtoridad ang nadakip na sina Stuart Maclaren Watson at si Rizza Fernandez na nakuhanan ng 70 tanim sa paso ng kush.

Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula buwan ng Enero hanggang Nobyembre noong 2018 ay umabot sa 136,316.29 gramo ng ng kush marijuana o isang mataas na uri ng marijuana, ang kanilang nasamsam at aabot sa halagang P163.58 milyon.

Ayon kay Director Derrick Arnold C. Carreon, hepe ng Public Information Office ng PDEA, kabilang sa mga pinakamalaking halaga ng kush cannabis na nasamsam ng PDEA ay ang isinagawa nilang operasyon sa loob ng Ayala Alabang Village sa Muntinlupa noong Oktubre 2018.

Aniya, anim na kilo ng ‘kush’ na naka-repack at umaabot sa halagang P7.2 milyon na galing umano sa California sa United States, ipinadala sa ating bansa sa pamamagitan ng courier service.

Nasundan pa ito ng pagkakuha sa P30 milyon halaga ng high-grade marijuana sa Las Piñas City, na ginawa pang front ang tindahan ng mga exotic na hayop ngunit sa likod pala ay taniman at bentahan din ng kush.

Nadiskubreng nakabaon sa lupa sa likod ng bahay ang mga pakete at garapon ng nasa 30 kilo ng marjiuana makaraang umamin ang naarestong si Paul Sohn, alyas Danny Lim, na umano’y siyang nagpapatakbo sa taniman ng marijuana.

“They are putting up a market for kush here so ang ginawa nila mag-i-import sila ng seeds ng kush. Dito nila iku-cultivate at ibebenta nila,” ani PDEA Region 3 Director Gil Pabilona na nanguna sa operasyon.

Kalaboso din ang isang Indian national at kasabwat nito na itinurong supplier ng kush sa buy-bust na ginawa sa Alabang Hills Village, Muntinlupa City.

Higit isang milyon ng high-grade marijuna na kush at hashish, isang marijuana resin, na may 20.5 at 25 na gramo ang nakuha kina Rajiv Gidwani, at Jeremiah Alero Carillo.

May kaparehong epekto sa normal na marijuana ang kush at hashish ngunit ang pagkakaaresto kay Gidwani at Carillo ang unang beses na may nakuhang hashish ang mga operatiba ng PDEA.

Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na target ng mga drug personality na ibenta ang kush sa mga young professional, estudyante, celebrity at maging sa mga anak ng maiimplu­wensyang pamilya.