Abante Tonite Interactive

Mga motorbike firm pasaway sa anti-crime plaka

454

Inakusahan ng isang senador ang mga manufacturer o mga kompanyang gumagawa ng motorsiklo na siyang nasa likod diumano ng pag-iingay ng mga rider laban sa bagong batas na walang ibang layunin kundi ang mapigilan ang mga insidente ng riding-in-tandem crime.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 8, kinakailangan nang magkabit ng malaking plate number sa kanilang motorsiklo ang bawat rider para mas madali itong makikita.

Naniniwala ang mga mambabatas na sa pamamagitan ng bagong batas ay masasawata na ang mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo at magka-angkas pa kapag gumagawa ng krimen.

Pero kamakailan lamang ay nagsagawa ng malakihang kilos-protesta ang iba’t ibang grupo ng mga rider kontra sa nasabing batas.

“‘Yung mga nagrarali, ‘yung nagtitinda ng motor sila ang nagpapaandar d’yan. Hindi naman ako umaalma sige lang para magbenta kayo ng motor pero dapat makunsensya kayo,” saad ni Gordon.

Ipinaalala pa ni Gordon na ginawa ang batas upang mabawasan ang ­krimen.
Nanindigan din si Gordon sa mabigat na parusa sa mga lumalabag sa batas.
Nauna rito ay nagpahayag ng suporta sa bagong batas si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Guillermo Eleazar dahil makakatulong aniya ito para mabawasan ang mga krimen na sangkot ang mga riding-in-tandem katulad ng mga snatcher, holdaper at killer. (Dang Samson-Garcia/PNA)