Abante Tonite Interactive

Mga nagawa at programa inilahad sa SOCA ni Oreta

179

Sa pagsisimula ng bagong taon, inilunsad ni Mayor Antolin ‘Lenlen’ Oreta III ang kanyang State of the City Address (SOCA) noong January 7 sa Malabon Amphitheater upang iulat ang mga naisagawa ng kanyang administrasyon ngayong taon, at ilatag ang planong isasagawa sa mga darating na panahon.

Libo-libong Malabonian ang sumaksi sa pag-uulat na may live telecast din sa Plaza Concepcion at Tugatog Covered Court.

Kasabay ng lingguhang pagtataas ng bandila, ang okasyon ay dinaluhan ng mga konsehal ng lungsod, pinuno ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, mga kawani ng publiko, mga organisasyong pribado at iba’t ibang sektor ng mamamayan sa mga komunidad ng Malabon.

Ipinalabas ang isang video presentation ukol sa pag-unlad ng lungsod sa nagdaang mga taon at mga panayam sa mamamayan na nagpapatunay ng kaunlaran nito, sa simula ng programa.

Ibinida ni Mayor Oreta ang natanggap ng lungsod na Seal of Good Local Governance (SGLG) award mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) bilang pagkilala sa natatanging panunungkulan at pamumuno sa lungsod.

“Ang ating pagkalinga sa kalusugan ng Malabonian ay nagpababa sa kaso ng malnutrisyon sa lungsod mula sa 16.3% noong 2013 patu­ngong 6.94% sa kasalukuyan,” pagbibida ng alkalde sa programang pangkalusugan nito.

Dahil naman sa tumaas na tiwala ng mamamayan sa pamahalaang lokal, tumaas ang nakolektang buwis ng lungsod sa P1.76 bilyon nga­yong taon mula sa napakababa pang P836,897,265.69 noong 2012, bago ang panunungkulan ng alkalde.