Abante Tonite Interactive

Mga nagkasakit na baboy tinatago ng hog raiser

226

Inihayag ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na may mga ulat silang natanggap na itinatago diumano ng ibang hog raiser sa lalawigan ng Rizal ang kanilang mga baboy sa pag-asang mapapagaling pa nila ang mga ito at maibebenta.

Sinabi ito ni Dar kaugnay ng pagkakatagpo ng mga patay na baboy na inanod sa Marikina River at itinapon sa isang creek sa Quezon City.

Nag-aalala si Dar sa pagtapon sa ilog ng mga namatay na baboy na pinaghihinalaang nagkasakit sa African Swine Fever (ASF) dahil lalo pa umanong kakalat ang “pathogens” nito at matatagalan bago mahinto ang pagkalat ng naturang sakit.

Babala niya sa mga hog raiser, walang gamot sa ASF at mamamatay lamang ang mga baboy na nagkakasakit nito dahil mayroon itong 100% mortality rate.

Ibig sabihin, kapag nahawa ang baboy, hindi na ito gagagaling.

Panawagan niya sa mga nagsususpetsang tinamaan ng ASF ang kanilang mga alagang baboy na tumawag sa local veterinary office o sa DA at ipagbigay alam at nang makakuha sila ng ayuda at maagang ma-disinfect at malinis ang kanilang lugar para mapuksa ang naturang sakit sa kanilang komunidad. (Eileen Mencias)