Abante Tonite Interactive

Mga nakakatakot na lugar sa Pilipinas

By
1,124

Kaya mo bang tumira sa isang haunted house? Lalo na kung ikaw ay hindi pa nakakaranas magkaroon ng sarili mong bahay, mala­mang mapapa­isip ka kung kakayanin mo.

Kung ikaw naman ay saksakan ng duwag, hindi ka magdadalawang-isip na tumanggi kahit pa may kapalit na halaga ang pagtira mo o pagbabantay man lang sa isang bahay na pinamamaha­yan ng iba’t ibang espiritu.

Kung desperado ka namang magkaroon ng tahanan ay puwede mo ring subukan para ma-experience mo ang katotohanan sa likod ng mga kuwento tungkol sa mga haunted house.

Pero hindi lang house ang nagi­ging haunted, maging ang iba’t ibang lugar gaya ng hotel, ospital, parke at museum.

Kapag may nangya­ring hindi maganda sa isang halimbawa ay building na nasunog at maraming namatay, ang mga susunod na gabi sa building na iyon, magsisimula ang kababalaghan. Magpapakita ang mga kaluluwa ng namatay doon at magpaparamdam sa mga taong nakabukas ang third eye.

Ilan sa mga kilalang haunted places dito sa Pilipinas ay ang Diplomat Hotel, Ozone Disco, Clark Air Base Hospital, Manila Film Center at Teacher’s Camp.

Sa Diplomat Hotel ay naganap ang hindi katanggap-tanggap na pagpaslang sa mga pari at madre gayundin sa mga sanggol noong panahon ng World War II.

Ang mga Hapon na umatake sa Diplomat Hotel na nagsilbing seminaryo ay walang awang pumugot sa ulo ng mga pari at madre dito. At walang awa ding pumatay sa mga sanggol. Kaya naman magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi matahimik ang mga kaluluwang nasawi rito.

Hindi rin nagkaroon ng kapayapaan ang mga kaluluwang na-trap sa Ozone Disco sa Quezon City na karamihan ay mga estudyante noong March 18, 1996. Sariwang-sariwa pa sa isip ko kung paano nagluksa ang masang Filipino sa tragic na kamatayan ng higit sa 100 na kabataan. Mula sa abandonadong disco house na iyon ay naririnig ang mga kalunos-lunos na mga tinig at musika. Nakikita rin daw ang mga aninong sumasayaw pagsapit ng hatinggabi.

Sa Clark Air Base Hospital naman kung saan dinadala at ginagamot ang mga sugatang Amerikano noong panahon din ng World War II at Vietnam War, kaiba sa ibang mga haunted places, ang mga espiritu sa ospital na ito ay nananakit. Nagha­hagis ng mga bagay bilang tanda na hindi nila nais ang sinumang bisita. Dahil sa sobrang nakakatakot ang lugar na ito ay naisama ito sa National Geographic’s horror docu-­series na “I Wouldn’t Go In There”.

Ikinokonsidera din ang Clark Air Base Hospital ng Ghost Hunters International bilang isa sa pinakakinatatakutang lugar sa buong mundo. Samantala, hindi rin magkaroon ng katahimikan ang mga ka­luluwang nalibing sa ginagawa noong Manila Film Center. Dahil doon ay nakakari­nig ang mga taong nagpupunta dito ng mga pagtangis at pag-ungol.

Kaya itinu­ring din na haunted ang lugar.

Isa ring haunted place ang Teacher’s Camp na matatagpuan sa Leonard Wood Road, Baguio City, Benguet. Ito ay nagsilbing training site ng Ame­rican teachers noong 1908. Ang mga bumibisita ngayon dito ay sinasabing nakakari­nig ng mga pag-iyak ng isang babae. Nakikita rin ang white lady at paring pugot ang ulo.

Ilan lamang iyan sa mga makapanindig-balahibong kuwento sa likod ng mga nakakatakot na lugar. Marami pang iba’t ibang lugar sa Pilipinas ang haunted at nasa sarili mo ng pagraranas kung ikaw ay maniniwala o hindi.