Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga negosyante pumalag sa `bakuna bubble’

0 41

Hindi makatutulong sa pag-ahon ng ekonomiya ang pag-itsapuwera sa mga taong hindi pa nabakunahan laban sa COVID-19, ayon sa grupo ng mga negosyante sa bansa.

Base sa isang ulat, sinabi ni Employers Confederation of the Philippines (ECOP) president Sergio Ortiz-Luis Jr. na tataas lamang ang gastos ng mga maliliit na negosyo kung maglalagay pa sila ng sistema para tingnan ang mga vaccination card ng kanilang mga kostumer at tauhan.

Paliwanag ni Ortiz-Luis, bukod sa hindi makatarungan ang panukalang `bakuna bubble’ dahil diskriminasyon ito sa hindi bakunado, mahirap din itong ipatupad at magastos gawin para sa mga negosyong kakailanganin pang kumuha ng mga bagong tauhan para magbantay ng pila at tumingin sa mga vaccination card.

Dagdag pa niya, magiging magulo rin ang pagpapatupad nito sa mga terminal ng sasakyan.

Inihayag naman ni Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) acting president Edgardo Lacson na karamihan ng mga tao ay hindi pa rin makalalabas dahil mga senior citizen at may comorbidity o ibang karamdaman ang inuna sa pagbakuna.

Aniya, paguguluhin lang ng diskriminasyon laban sa hindi bakunado ang maagang pagbubukas ng ekonomiya dahil kahit mabakunahan ang buong populasyon, imposible pa ring makamit ang herd immunity sa pananaw ng mga eksperto.

Sinabi ng Department of Interior and Local Government na pinaplano ng pamahalaan ang tinatawag nitong `bakuna bubble’ kung saan lilimitahan ang paggalaw ng mga walang bakuna at luluwagan naman ang mga bakunado. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.