Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga negosyante tinabla P11B ayuda sa bagal

0 179

Wala pang kalahati ang nagamit mula sa P11 bilyong pondo na inilaan ng gobyerno para tulungan ang mga micro, small and medium enterprises (MSME) na makaahon sa dagok ng pandemyang dulot ng COVID sa kanilang mga negosyo.

Ayon sa Commission on Audit (COA), walang interes at walang kolateral ang P11 bilyong alokasyon ng Small Business Corporation para sa COVID-19 Assistance to Restart Enterprises (CARES) program na pautang sa mga maliliit na negosyante ngunit 45% lamang nito o P4.09 bilyon ang nagamit.

Sabi ng COA, P11 bilyon ang budget ngunit P9.08 bilyon ang inilabas sa Small Business Corporation subalit P4.09 bilyon lamang ang napautang nito at 28,222 na MSME lang ang nakinabang.

Nasa 23,687 na micro enterprises umano ang ginamit ang pagkakataong makautang ng walang interes at walang kolateral, 3,057 ang small enterprises at 729 ang medium enterprises ngunit 749 ang hindi matukoy ng COA kung micro, small, o medium.

Ayon sa COA, 73% ng mga MSME sa bansa ang nagsara dahil sa lockdown base sa survey na ginawa ng Asian Development Bank (ADB) at sa pagtataya naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay nasa 995,745 ang mga MSME at sila ang 99.5% ng mga negosyo sa Pilipinas.

Sabi ng COA, kulang ang tao ng Small Business Corporation para maproseso ang loan application at ilan lamang ang mga negosyong kumuha ng pautang dahil malaking bahagi ng CARES ay inilaan na para sa sektor ng turismo.

Dagdag ng COA, mabagal din ang pagpoproseso ng Small Business Corporation sa mga loan application kaya umatras na lamang ang iba sa kanilang aplikasyon dahil wala rin umanong nagbibigay sa kanila ng status nito.

Base sa COA, may kakulangan sa pagpapalakad ng CARES kaya 9% ng mga nangutang ang nagkansela na lamang ng aplikasyon. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.