Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mga netizen nagbabala vs Fancy Prime ‘scam’

0 227

Nagbabala ang ilang mga Pinoy netizen laban sa “Fancy Prime Collections” na makikita sa Facebook bilang FPrime2021 at itinuturing nilang scam.

Ayon kay netizen Juju Romero, nakatanggap siya ng text noong October 17 mula sa cellphone number na 0970-309-7198 na nagpapakilalang si Maia, ng Fancy Prime. Nanalo raw siya ng ‘Authentic Casio watch LTP’ na nagkakahalagang P3,495 sa kanilang raffle at hiningan siya ng address, contact number at pangalan para maideliber sa kanya ang relos pero kailangang bayaran ang ‘processing at handling fees’ na P650.

“Huwaw. P650 mo mukha mo, Fancy Prime. Cash na lang po, please #scamass,” ani Romero.

Banggit naman ni Christian Santos, Oktubre 20, nakatanggap siya ng katulad na mensahe mula sa Fancy Prime, mula sa 0970-942-8077 sa nagpapakilalang Chelsea, at hinihingan din siya ng P650 para sa ‘processing at handling fees’ dahil sa Europe pa raw manggagaling ang relos.

Ayon sa mga comment sa FB post ni Santos, marami ring nakatanggap na katulad na text at pinagtataka nila kung paano nakuha ang kanilang mga cellphone number.

Samantala, nag-tweet kahapon si netizen Gillian Cortez na nakatanggap din siya ng parehong mensahe mula naman sa 0970-568-8066 na nagpakilala bilang Aliah. Nang tinanong niya kung paano nakuha ang kanyang pangalan, cellphone number at iba pang detalye, sinabihan siyang ka-partner sila ng mga online courier, tulad ng LBC at J&T, at binibigay sa kanila ng mga online platform tulad ng Lazada at Shopee ang number ng customers kapag dine-deliver sa kanila ang kanilang order.

Nag-private message ang Tonite sa Fancy Prime, na ayon sa Facebook ay very responsive sa mga mensahe ngunit hindi ito sumagot. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.